After ng MMFF… MGA SINEHAN, NILALANGAW NA NAMAN
- BULGAR
- Jan 19, 2024
- 2 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 19, 2024

Nanawagan sa gobyerno ang premyadong director-aktor na si Joel Lamangan dahil kapansin-pansin na pagkatapos ng Metro Manila Film Festival ay muling lumungkot ang mga sinehan, nawala na ang mahahabang pila.
Post ni Direk Joel sa kanyang Facebook account…
“Natapos na ang MMFF, unti-unting nawala na din ang manonood ng pelikula. Maraming dahilan ang sinasabi:
1) Katatapos lang daw ng gastusan
2) Pagod pa ang mga tao dahil sa nakaraang Pasko at Bagong Taon
3) Wala nang selebrasyong idinadaos kaya walang tao sa sinehan
4) Nagsawa na ang tao sa panonood ng sine pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon
5) Hindi exciting ang mga ipinalabas na sine nitong nakaraang Pasko. Ano ba talaga ang dahilan? Gayong noong mga nakaraang taon at panahon ay pinag-aagawan ang playdate na pagkatapos ng MMFF. Kumita ang banyaga at Pilipinong sine na ipinalabas.
“Pumunta ako at tiningnan ang kalagayan ng Sineng Pinoy na ipinalabas pagkatapos ng MMFF. Nanlumo ako dahil bumalik sa dating kalagayang kalunus-lunos ang mga sinehan. WALANG NANONOOD!!!!
“Tiningnan ko ang presyo ng tiket! Mataas pa rin, hindi abot ng karaniwang Pilipino na manonood. Walang ginagawang hakbang ang pamahalaan upang mapababa ang halaga ng panonood ng mga obra ng mga manlilikhang Pinoy.
“Sinigaw ko na dito sa Facebook ang suliraning ito. Maraming sumang-ayon.
Kinakailangan ang sama-samang pagkilos upang gulantangin ang kinauukulan para maibalik ang pinakamurang uri ng entertainment sa tao.
“Hindi kaya ng ordinaryong manggagawa, mangingisda, tindera, empleyado, estudyante, atbp. mahina ang kita ang halaga ng tiket.
“Kaawa-awa ang Industriya ng Pelikulang Pilipino, kailangang tulungan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Kongreso na gumawa ng batas na magre-regulate ng presyo ng tiket sa sinehan.
“Kung nagagawa ito sa ibang produkto kagaya ng asukal, bigas, bawang, sibuyas atbp., ang sine ay importanteng pagkain ng isip at puso ng manonood na Pinoy! Sa ibang bansa ay nagagawa ito.
“Sana ay magawa rin dito sa atin! Sama-sama tayong manawagan sa mga kinauukulan, lalung- lalo na doon sa mga nanggaling sa industriya ng sineng Pilipino!
“Kundi man ay manawagan sa Pangulo upang matulungan ang ating mahal na industriya. Sana ay maibalik sa 150 o 200 pesos ang halaga ng tiket! Ibalik natin ang mga panahon na dinudumog ng tao ang sinehan para sa kanilang “entertainment” KAILANGAN ANG SAMA SAMANG PAGKILOS!”
Sa kasalukuyan ay wala kaming alam kung may ginagawang pelikula ngayon si Direk Joel o baka hindi na muna siya gagawa habang abala siya sa seryeng FPJ’s Batang Quiapo sa karakter na Roda.




Comments