After ng bagyong Julian, presyo ng bigas, tiyaking ‘di magtataas
- BULGAR
- Oct 2, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 2, 2024

Sa kabila ng posibleng epekto ng Bagyong Julian at ang hindi pa nailalabas na shipments ng mga imported rice sa mga daungan ng Maynila, tiniyak ng pamahalaan na walang biglaang pagtaas ng presyo ng bigas.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam, mahigpit nilang mino-monitor ang epekto ng bagyo sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR).
Binigyang-diin ni De Mesa na hindi sila nag-e-expect ng biglaan o biglang pagtaas ng agricultural commodities lalo na sa palay o unhusked rice dahil maganda naman ang supply ng lokal at imported. Gayundin, umaasa siya na hindi magiging malawak ang pinsala ng naturang bagyo sa sektor ng agrikultura, at mapanatili lang mula 500,000 metriko tonelada (MT) hanggang 600,000 MT ang inaasahang taunang pagkalugi sa produksyon ng ating palay.
Sinabi ni De Mesa na dahil may last quarter pa, sana ay hindi ganoon katindi ang tatama sa ating mga bagyo. At kahit na may La Niña ay umaasa silang mas maganda pa rin ang ating mga magiging ani.
Para naman sa mga hindi pa nailalabas na mga shipment sa mga daungan o port, sinabi ni De Mesa na wala itong epekto sa retail price dahil karamihan sa 888 na nai-report na overstaying na shipping containers ay na-claim na.
Kaugnay nito, binanggit ng opisyal na sa ngayon ay nagdulot ng humigit-kumulang 420,000 MT na pinsala sa agrikultura dahil sa pinagsamang epekto ng El Niño phenomenon at iba pang weather disturbances simula noong January.
Sana nga ay totoong walang mangyaring pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado sa ngayon kahit pa hinagupit tayo ng Bagyong Julian para hindi na rin maging alalahanin pa ito ng ating mga kababayan.
Kadalasan kasi, matapos ang pagtama ng anumang kalamidad sa bansa ay magugulat ka na lamang na biglang tumaas hindi lang ang presyo ng bigas kundi pati na rin ng iba pang pangunahing bilihin.
Para bang sinasamantala ng mga trader at retailer ang ganitong kalagayan na lalo namang napapahirap sa mga mamamayan.
Kaya sana bukod sa pangakong ito ng kinauukulan na walang pagtaas sa presyo ng bigas ay bantayan din nilang maigi ang sitwasyon sa mga pamilihan lalo na sa mga lugar na sinalanta nang husto ng bagyo. At kung sakali mang may sadyang mga mananamantala sa presyo ng bilihin ay kanila itong parusahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários