After ibida ni PBBM ang 5k flood control project, 'Pinas binaha!
- BULGAR
- Jul 27, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 27, 2024

WALA MAN LANG SENADOR NA NAKAISIP NA IPAGBAWAL ANG MANILA BAY RECLAMATION PROJECT -- Sinisisi ng ilang senador ang Manila Bay reclamation project na sanhi raw ng baha dulot ng Bagyong Carina at Habagat.
Ganu’n naman pala, eh bakit isa man sa mga senador ay walang nakaisip na gumawa ng panukalang batas na nagbabawal ng reclamation project sa Manila Bay? Tsk!
XXX
IBINIDA NI PBBM SA SONA NA MAY NATAPOS NANG 5 LIBONG FLOOD CONTROL PROJECT SABLAY! -- Sablay ang ibinida ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) na higit limang libong flood control projects na raw ang natapos ng kanyang pamahalaan kasi makalipas lang ang dalawang araw, nilubog sa baha ang iba’t ibang lugar sa bansa.
Kumbaga, parang sinabi nina Typhoon Carina at Habagat na nagsinungaling si PBBM sa kanyang SONA, boom!
XXX
MALAKING TULONG SANA SA FLOOD CONTROL PROJECT ANG P27 B GAGASTUSIN SA MALA-PALASYONG NEW SENATE BLDG. -- Nasa halos P13 billion na ang nagagasta sa pagpapagawa ng New Senate Building sa Taguig City, na ayon sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na sa kabuuan ng finishing ng mala-palasyong tanggapang ito ng Senado ay aabot sa P27 bilyon ang magiging gastos dito ng pamahalaan.
Alam naman ng mga senador na taun-taon ay may panahon ng tag-ulan sa bansa, at kapag malakas ang ulan nagdudulot talaga ito ng baha.
Ang nais nating ipunto rito, kung sana ang P27 B gastusin na ‘yan para sa New Senate Bldg. ay sa flood control project inilaan, sana at kahit paano ay nakatulong ang halagang iyan para maibsan ang baha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, period!
XXX
DAPAT PAGLAANAN NG MALAKING HALAGA ANG FLOOD CONTROL PROJECT, HINDI ANG MAGARBONG ENTERTAINMENT CENTER AT MALA-PALASYONG SENATE BLDG. – Paglalaanan daw ng Marcos admin ang pagpapagawa ng P32 bilyong entertainment center sa New Clark City na sakop ng Tarlac para raw sa concert ni global pop icon Taylor Swift sa year 2028, at pagkaraan niyan, lahat daw ng concert ay puwedeng diyan na rin idaos.
Pambihira namang gobyernong ito, imbes na ang paglaanan ng malaking halaga ang flood control project, eh, ang naiisip ipagawa ay magarbong entertainment center at mala-palasyong New Senate Building, tsk!







Comments