AFP, ‘di nagpatinag sa fake news, maling paratang pinabulaanan
- BULGAR

- Oct 20
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | October 20, 2025

Sa rami ng kumakalat na fake news sa social media, pati pensyon ng mga sundalo, ginawang isyu. Pero buti na lang, mabilis tumindig ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para ituwid ang maling balita na gusto umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipatigil ang military pension.
Dahil laganap na ang fake news, minsan kailangan din ng tapang, hindi para makipagbakbakan kundi para ipagtanggol ang katotohanan.
Sa opisyal na pahayag ng AFP, iginiit nilang walang utos, polisiya, o plano mula sa Pangulo o alinmang ahensya ng gobyerno na tanggalin ang benepisyo ng mga retiradong sundalo at militar. Sa halip, binigyang-diin ng kagawaran na ang Pangulo ang siyang paulit-ulit na nagpahayag ng buong suporta sa mga uniformed personnel, mula sa kanilang serbisyo hanggang sa seguridad ng kanilang pensyon.
Nilinaw din ng AFP na ang military pensions ay protektado ng batas at itinuturing na earned benefit matapos ang hindi bababa sa 20 taon ng tapat at marangal na serbisyo.
Hindi basta-basta maaaring bawiin ang naturang pensyon, maliban na lamang kung ang isang retirado ay mapatunayang nagkasala na nahatulan ng isang krimen sa ilalim ng tamang proseso.
Hinimok naman nila ang ilan na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon. Anila, ang ganitong pahayag ay nakakapagpahina ng moral ng mga sundalo at nakapagdudulot ng pagkakawatak-watak sa publiko.
Sa kabila ng kontrobersiya, nanindigan ang AFP sa kanilang katapatan sa Konstitusyon at sa bansa, na patuloy silang maglilingkod ng may dangal, integridad, at patriotismo.
Malinaw na hindi lang maling impormasyon ang kalaban ng mga militar, ito rin ay laban para sa tiwala ng taumbayan. Dahil sa panahon ng social media, isang maling post ay kayang magdulot ng pagdududa sa institusyong ginagalang ng marami. Mabuti at mabilis kumilos ang AFP, nagawa nilang linawin ang lahat bago pa tuluyang kumalat ang mga maling ispekulasyon sa kanilang hanay, kung saan mas pinipili nilang pairalin ang katotohanan at kanilang disiplina.
Tama rin ang ginawang pagtindig ng sundalo at militar. Hindi lang nila ipinagtanggol ang kanilang benepisyo kundi pati ang dangal ng kanilang uniporme.
Sa halip na maniwala sa kasinungalingan, dapat tayong matutong magsuri bago mag-react. Dahil kung ang mga sundalo ay marunong magpigil sa gitna ng maling paratang, tayong mga sibilyan ay dapat ding matutong magpigil sa pag-share ng fake news.
Ang tunay na sandata ng bayan ay hindi bala at baril, kundi ang katotohanan at pagkakaisa. Kaya dapat sabay-sabay nating labanan ang fake news.
Habang nananatiling matatag ang mga sundalo anuman man ang kanilang laban, dapat din tayong maging matatag na hindi basta paniwalaan ang mga maling impormasyon dahil darating ang panahon na lalabas din ang totoo at tama.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments