Abot kayang COVID-19 tests at libreng vaccines, oks!
- BULGAR

- Nov 11, 2020
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 11, 2020
Kamakailan, inihayag ng Department of Health ang balita tungkol sa tumataas na presyo ng COVID-19 testing sa bansa. Anila, ilang testing facilities ang nagpapataw ng karagdagang charge upang mapabilis ang proseso ng resulta ng mga tests na kanilang isinasagawa. May isa ring news report na nagbalita na isang indibidwal ang nagbayad ng Php20, 000 para lang mapabilis ang resulta ng kanyang test—hindi ito tama.
Napakahalaga ng COVID-19 testing sa laban natin sa pandemya. Dahil sa testing, nagagawa nating i-identify, isolate at kalaunan ay talunin ang naturang sakit. Sa kadahilanang ito kaya dapat lamang siguruhin ang availability, accessibility at affordability ng COVID-19 tests at testing kits lalo na’t unti-unting tumataas ang demand para rito.
Sa panahon ng krisis, pantay dapat ang serbisyo lalo na pagdating sa kalusugan. Mahirap man o mayaman, dapat may access sila sa COVID-19 testing. Ang COVID-19 tests ay necessity, hindi luxury. Naniniwala tayong kailangang pumasok ng gobyerno upang masigurong patas at makatarungan ang presyo ng tests at test kits.
Ito ang dahilan kung bakit ilang beses tayong umapela sa gobyerno na mag-issue ng mga patakaran upang pigilan ang paglobo ng presyo ng COVID-19 tests at test kits. Masaya tayo na at nakinig sa atin si Pangulong Rodrigo Duterte at nag-issue ito ng Executive Order No. 118 na nag-uutos sa DOH at iba pang concerned agencies na panatilihing accessible at affordable ang COVID-19 tests at test kits.
Naniniwala tayong dapat may price control measures sa COVID-19 tests at testing kits para hindi ito pagkakitaan ng iilang mapang-abusong negosyante. Buhay ang nakataya rito, kaya huwag nating gamiting oportunidad ang pandemya para pagkakitaan ang ating kapwa. Protektahan natin ang kapakanan at buhay ng lahat ng Pilipino. Higit sa lahat, unahin palagi ang mga mahihirap at parte ng vulnerable sectors.
Kailangang mag-impose ng polisiya upang masiguro ang transparency sa presyo ng mga accredited na COVID-19 laboratories. Kailangang magarantiya na fully informed ang mga Pilipino sa component costs ng medical services at procedures kaugnay sa COVID-19. Dapat malinaw kung para saan ang binabayaran at saan napupunta ang pera.
Maliban dito, naiintindihan natin ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa mga mahihirap na Pilipino pagdating sa COVID-19 vaccine. Kaya naman, umapela tayo na mag-develop ng national vaccination program na mangangasiwa sa sistematikong pag-i-immunize sa ating mga kababayan kung saan uunahin natin ang mga mahihirap at parte ng vulnerable sectors. Dapat gawing libre ang COVID-19 vaccines para sa mga pinaka-nangangailangan nito.
Hindi pa tapos ang pandemya. Layunin nating walang Pilipinong maiiwan tungo sa ating muling pagbangon mula sa sakit na ito. Patuloy tayong magbayanihan at magmalasakit sa kapwa upang malampasan ang mga pagsubok na ating hinaharap bilang nagkakaisang bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments