ABEGAIL: NANDU'N KAMI NG ANAK KO SA BUROL NI FRANCIS M!
- BULGAR
- Nov 4, 2023
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 4, 2023

“Hindi po ako maalam sa batas pero ang hindi alam ng nakararami na nu’ng nagkarelasyon po kami ni Kiko, hanggang sa mamatay siya, alam ko kung ano ang estado ko sa buhay niya,” ito ang ilan sa mga ibinahagi ni Abegail Rait sa kanyang video na in-upload niya sa YouTube channel niya na kagagawa lang kahapon, Nobyembre 3.
Si Abigail ang ina ni Gail Francesca na anak ni Francis ‘Kiko’ Magalona na gumawa ng ingay sa buong Pilipinas dahil walang nakakaalam na may ibang anak ang rapper maliban sa mga anak nito kay Pia Arroyo-Magalona.
Marami ang nagparatang na ginagamit lang ng mag-ina ang namayapang Master Rapper dahil papasok sa showbiz si Gail Francesca at tumakbo namang kagawad si Abegail sa lugar nila na hindi naman nanalo.
At para maging klaro na ang lahat ay naglabas na si Abegail kung ano talaga ang kuwento nila ni Francis na hindi nito nabanggit kay Boss Toyo na may-ari ng Pinoy Pawnstar kung saan ibinenta ang nag-iisang jersey shirt ni Kiko na iniwan sa mag-ina.
Sa pagpapatuloy ni Abegail, “Marami po ang nagtatanong kung nasaan ako nu’ng burol niya. Tanungin n’yo po sila (mga Magalona) dahil lahat sila, alam nila kung sino kami ni Cheska. We were there!
“Ito na rin po ang gusto kong maliwanagan kung kabit po ako, nanira ako ng pamilya, sana may maglakas ng loob na sabihin na wala na sila ni Pia nu’ng dumating ako sa buhay niya.
“Dalaga po ako nu’ng naging kami ni Kiko (at) wala na po siya sa family residence nila for years at wala po akong na-violate na batas sa Pilipinas dahil single po ang marital status ng partner ko hanggang sa nakamatayan niya.
“Ipinaliwanag sa akin ni Kiko from the start what we are facing, documents will show at ipinagpaalam niya ‘yan sa mommy ko at sa pamilya ko, sa lola ko. Wala po akong hinahabol.
Masyado nang matagal ang lahat ng nangyari. We’re not expecting approval or acceptance but respect.
“We are all children of God and no label kung anuman ang origin ng pinanggalingan natin. Lahat tayo, may mga problemang pinanggalingan sa pami-pamilya natin and we believe we want the best for our children. Huwag (muwestrang praying hands) po sanang husgahan ang isang tao batay sa narinig at nabasa ninyo. Alamin n'yo muna ang buong kuwento bago ninyo siraan ang kanyang pagkatao. Please po, I hope this video will clarify all and (please) stop hatred.”
Ikinuwento rin ni Abegail na nu’ng nasa hospital si Kiko ay kasalukuyan siyang buntis.
“Tinatanong n’yo po kung nasaan ako nu’ng mga panahong nagkasakit siya. Buntis po ako nu’n (at) nanganak, naka-confine na siya nu’n. Nakabalik (ulit sa hospital), two months na si Cheska (at) hindi na siya nakalabas pa.
“Araw-araw po ako ang kausap niya. Gusto ko pong pumunta (hospital) pero ayaw ko na pong dagdagan ‘yung pangyayari, ayaw ko nang dagdagan ‘yung pinagdaraanan nila (Pia at mga anak).
“Masakit pero tulad nila, lahat kami, umaasang kakayanin niya at gagaling siya, pero hindi na niya kinaya,” ang pagtatapat ni Abegail sa kanyang video.
Sabi pa ni Abegail, “I need to take this video for once to address all the hanging questions ng mga humuhusga, nagpapaabot ng suporta, higit sa lahat, ‘yung may pang-unawang malawak. Bakit nga ba ako lumantad sa ganitong pagkakataon?
“Madaming nag-i-invite sa akin for interview na never po akong tumanggap unless relevant po sa anak ko. Ok lang po sa akin na ako na ang pinakamasamang tao sa paningin n’yo.
Homewrecker, kabit, mistress, lahat na ng adjective na nagamit n’yo, tanggap ko po. Pero ang ipinakikiusap ko lang po sana, huwag naman ang anak ko.
"Sana po, maintindihan n’yo ako bilang ina na nagsasalita para sa kanyang anak.”
Ipinagdiinan muli ni Abegail na kaya naibenta nila ang jersey na alaala sana ni Kiko sa kanilang mag-ina ay para magamit ng anak sa pabalik-balik nilang pagluwas sa Manila para sa mga workshops at iba pang ganap at hindi sa pagtakbo niya sa nakaraang barangay election.
“Ordinaryong bata lang po si Chesca na napakaraming pangarap. Mag-isa lang po akong sumusuporta sa kanya with my mom at walang magulang ang hindi kayang gawin ang lahat para sa anak niya,” saad ng ina ng anak ni Kiko.
At dahil sa kaguluhang nangyari sa paglantad nilang mag-ina, hindi naman daw nila ito sadya dahil last year pa pala nakapirma ng kontrata ang anak sa manager nito at nagkataong kailangan nila ng funds kaya humingi si Abegail ng sorry kay Pia at sa mga anak nito.
“Sa lahat po ng nasaktan, sa pamilya po ni Kiko, humihingi po ako ng dispensa sa lahat po ng kaguluhan na ito. Hindi ko po ipinagmamalaki ang naging pagkakasala ko pero tao lang po ako.
Hindi ako perpekto. 'Di po ako magpe-pretend ng kung anu-ano.
“Kung mali man po ang paglantad naming mag-ina, I’m sorry. Pero hindi n’yo 'ko kailangang husgahan sa kung ano lang ang nababasa n’yong pinalala ng opinyon ng mga mapanghusgang tao. Laitin n’yo po ako, tanggap ko ‘yun. Pero ang paratangan n’yo 'yung anak niya (Kiko) ay talagang magsasalita po ako,” diin ni Abegail.
Bukas ang pahina ng BULGAR para sa panig ni Pia at mga anak nila ni Francis M.





Comments