top of page
Search
  • BULGAR

Aabot ng P100-M ang reward ni Diaz

ni MC / VA / Gerard Arce - @Sports | July 29, 2021




Patuloy pa rin ang pagbaha ng premyong salapi mula sa iba’t ibang grupo para kay Olympic gold medalist weightlifter Hidilyn Diaz matapos nitong masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics.


Nangako kahapon ng financial reward na P5-M sa 30-year-old weightlifter ang may-ari ng Phoenix Petroleum Philippines Inc. na si Dennis Uy nang magkampeon ito sa women’s 55-kg event sa Tokyo Games si Diaz. “Phoenix thru Siklab Atleta is giving Hidilyn Diaz P5 million and lifetime free fuel for winning the Olympic gold,” ani Uy.


Una rito, inanunsiyo ni Dr. Andrew Tan ng Megaworld na bibigyan niya si Diaz ng condominium unit sa Eastwood City na nagkakahalaga ng P14-M habang ang Century Properties ay magbibigay din ng house and lot na nagkakahalaga ng P4-million .


Tatanggap din si Diaz ng Medal of Valor mula sa PSC bukod pa sa P10-M mula sa government, P10-M kay Ramon S. Ang, P10M kay Manny V. Pangilinan at P3M kay Mikee Romero bukod pa sa lifetime free flights sa Air Asia. Gaya rin ng sinabi ni POC president Abraham Tolentino, tumaas pa at umabot na sa P50 milyon ang insentibong nakatakdang tanggapin ni Diaz.


Nag-aabang din ang P2.5million cash-incentive mula sa local government ng Zamboanga City. Maaari ring mamili ng titirhan si Diaz sa mga pabahay at condominium na ibibigay sa kanya kabilang ang ₱14-million residential condominium unit sa Eastwood, Quezon City mula sa Megaworld; ₱4-million house and lot galing naman sa PHirst Park Homes community na kanyang mapipili mula sa Century Properties.


Inihayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may tsansang makatanggap pa ng karagdagang milyong piso ito mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabalik sa bansa kahapon ni Diaz. Nakalinya ring i-promote na ang posisyon nito mula sa pagiging temporary sergeant sa “Staff Sergeant” mula sa Philippine Air Force ayon kay PAF Commanding General Allen Paredes.


Pinaniniwalaang aabot ng P100-million ang lahat ng insentibo at pabuyang matatanggap ni Diaz na maaaring magbigay na sa kanya ng maayos na pamumuhay sa oras na magdesisyon na itong magretiro.


Inamin mismo ni Diaz na nakahanda pa itong lumaban sa mga darating pang kompetisyon higit na ang 2024 Paris Olympics. Ngunit sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas Inc. (SWP) Monico Puentevella na napapanahon na para kay Diaz na tuluyan ng bitiwan ang mga mabibigat na bakal at tumutok na sa pagbuo ng sariling pamilya.


Susubukan niyang kumbinsihin si Diaz na magretiro na dahil wala na itong dapat pang patunayan at nais na lamang maging coach ng national team upang alalayan ang mga nakalinyang sumunod sa kanyang yapak.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page