top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

6 na basehan kaya hindi mapagbigyan ang petisyon sa legal separation

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 15, 2020
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 15, 2020



Dear Chief Acosta,


Napag-usapan namin ng kapatid ko ang tungkol sa ginawang pagsasampa ng kanyang asawa ng petisyon sa korte para sa legal separation nilang mag-asawa. Sa ngayon ay wala pa siyang natatanggap na kopya nang inihaing petisyon ng kanyang asawa. Sa kabila nito ay napapaisip ang aming buong pamilya, sa mga maaaring maging dahilan para hindi pagbigyan ng korte ang isinampang legal separation na kaso ng kanyang asawa. May mga anak din sila kaya gusto rin sana namin malaman kung sino ang makakukuha sa kanilang mga batang anak kung sakaling matuloy ang kanilang legal separation. - Tiki


Dear Tiki,


Sa pangkalahatan, ang petisyon para sa legal separation ay hindi pinapayagan ng korte kapag hindi lubos na napatunayan ng nagsampa ng petisyon ang mga inihain niyang basehan para sa hiling na legal separation. Para sa inyong kaalaman, ang mga basehan para sa legal separation ay makikita sa Article 55 ng Family Code of the Philippines. Bagama’t hindi nabanggit sa inyong salaysay ang naging basehan na ginamit ng asawa ng inyong kapatid sa isinampang petisyon ay mahalagang maintindihan ninyo na nasa asawa ng kapatid ninyo ang burden of proof, o ang tungkulin na patunayan ang mga alegasyon at basehan niya sa kanyang petisyon.


Inilalahad ng Article 56 ng Family Code ang iba pang mga basehan sa pagkakait sa petisyon para sa legal separation. Ayon dito, hindi mapagbibigyan ang petisyon para sa legal separation kapag: 1) pinatawad ng agrabyadong partido ang inirereklamong nagawang kasalanan; 2) pumayag ang agrabyadong partido sa inirereklamong pagkakasala; 3) may sabwatan sa pagitan ng dalawang partido sa paggawa ng inirereklamong gawain na basehan ng legal separation; 4) ang parehong partido ay parehong gumawa ng pagkakasalang basehan ng legal separation; 5) may collusion o sadyang parehong pakay ang mag-asawa na makakuha ng legal separation; at 6) kapag paso na ang panahon sa pagsasampa ng kaso para sa legal separation.


Kaugnay ng panghuling dahilan, maiging malaman ninyo na ang kaso para sa legal separation ay dapat maisampa sa loob ng limang (5) taon mula sa pangyayari ng basehan para makapagsampa dahil kung hindi ay magiging paso na ang panahon para isampa ito. (Artikulo 57, Id.)


Tungkol naman sa kustodiya ng mga bata sakaling pagbigyan ng korte ang hiling na legal separation, itinatakda ng Article 63 ng Family Code na sa inosenteng asawa igagawad ang kustodiya ng bata at ang paggagawad na ito ay maaaring sumailalim pa sa ibayong pagsusuri ng korte kung kinakailangan. Dahil dito, sakaling lubos na mapatunayan ng asawa ng kapatid ninyo na ang kapatid ninyo ang umagrabyadong partido na siyang naging basehan ng isinampang petisyon ng asawa niya para sa legal separation ay maaaring mapunta sa kaniyang asawa ang kustodiya ng kanilang mga batang anak.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page