40°C pataas sa Japan, “cruelly hot"
- BULGAR

- 7 hours ago
- 1 min read
ni Jenny Rose Albason @Overseas News | April 22, 2026

Photo: AFP / Kazuhiro Nogi
Inanunsyo ng Japan Meteorological Agency (JMA) ang bagong kategorya para sa matinding init ng panahon, kung saan ang mga temperatura na umaabot sa 40°C pataas ay tatawaging “cruelly hot” o “kokusho-bi.”
Layunin ng bagong termino na mas epektibong makapagbabala sa publiko laban sa mapanganib na mataas na temperatura, habang patuloy na tumataas ang bilang ng heatwave days sa bansa.
Noong nakaraang taon, naitala ng Japan ang pinakamainit nitong summer mula pa noong 1989, na indikasyon daw ng patuloy na pag-init ng klima.
Napag-alaman na ang bagong pangalan ng kategorya ay batay sa isinagawang survey ng Meteorological Agency ng bansa kung saan nakakuha ito ng 478,000 na sagot mula sa publiko. Pinaka-popular ang “cruelly hot,” na sinundan ng “super-extremely hot day” o “cho-mosho-bi.”
Kasama rin sa mga suggestion ng mga Hapon ay ang “sauna day,” “stay-at-home day,” at “boiling day.”
Ang bagong klasipikasyon ay idaragdag sa umiiral na sistema ng JMA, kung saan ang:
25°C pataas ay itinuturing na “summer day”
30°C pataas ay “midsummer day”
35°C pataas ay “extremely hot day”
Sa pamamagitan ng bagong label, inaasahan ng ahensya na mas magiging alerto ang publiko sa mga delikadong antas ng init na maaaring magdulot ng heat-related illnesses.




Comments