4 patay, 38 pa sugatan sa salpukan ng 2 tren
- BULGAR
- 12 hours ago
- 1 min read
ni Jenny Rose Albason @Overseas News | April 29, 2026

Hindi bababa sa apat na katao ang nasawi matapos magbanggaan ang dalawang tren sa lungsod ng Bekasi, malapit sa kabisera na Jakarta, nitong Lunes ng gabi.
Naganap ang aksidente sa Bekasi rail station, kung saan nagsalpukan ang isang commuter line train at isang long-distance train.
Kinumpirma ng railway operator ng Indonesia na apat ang nasawi, habang 38 iba pa ang dinala sa mga kalapit na ospital para sa agarang lunas.
Nagbabala si Deputy Speaker Sufmi Dasco Ahmad na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga biktima dahil nagpapatuloy pa ang rescue operations sa lugar.
Ayon sa mga ulat, tinatayang anim hanggang pitong katao pa ang naiipit sa loob ng mga bagon, kaya patuloy ang pagputol ng mga rescue team sa mga bakal na bahagi ng tren upang mailigtas ang mga ito.
Kaugnay nito, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Jakarta Police upang matukoy ang sanhi ng banggaan.
Namataan din ang hindi bababa sa 20 ambulansya sa lugar ng insidente, habang tumutulong ang mga rescuer mula sa national disaster at rescue agencies sa paglikas ng mga pasahero.
Inaasahang maglalabas pa ng karagdagang detalye ang mga otoridad sa mga susunod na oras habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
