top of page

30 M doses ng Pfizer, nakalaan sa pagbabakuna ng edad 5-11 – DOH

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 5, 2022
  • 2 min read

ni Lolet Abania | February 5, 2022



Umabot sa 30 milyon doses ng Pfizer-BioNTech vaccine ang na-secure ng gobyerno para sa pagbabakuna ng mga kabataang edad 5 hanggang 11 laban sa COVID-19, ayon sa Department of Health.


Sa isang interview ngayong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nagawa ng gobyernong makipagkasundo sa vaccine manufacturer na Pfizer para sa suplay ng bakuna kontra-COVID-19 na ilalaan sa naturang grupo ng mga kabataan.


“Mayroon na tayong committed na 30 million doses ng Pfizer vaccine for 15 million na 5 to 11 year-old children,” sabi ni Vergeire, na aniya ang mga bata ay makatatanggap ng dalawang doses ng bakuna sa loob ng 21-day interval matapos na makuha ang unang shot nito.


Una nang iniurong ng pamahalaan ang COVID-19 vaccination ng mga minors sa Lunes, Pebrero 7, kung saan ang orihinal na iskedyul ay noong Pebrero 4, dahil anila ito sa logistical challenge.


Ayon din sa Malacañang, ang inisyal na pagbabakuna ay isasagawa sa anim na vaccination sites sa National Capital Region noong Biyernes.


Kabilang dito ang Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Manila Zoo, SM North Edsa (Skydome), at sa Fil Oil Gym sa San Juan City.


Binanggit naman ni Vergeire na ang vaccination ng mga edad 5 hanggang 11 ay magsisimula ng alas-10:00 ng umaga sa Lunes.


Sa Miyerkules, Pebrero 9, ayon kay Vergeire, palalawigin pa sa 38 ang mga vaccination sites sa buong Metro Manila at sa Region 3 at Region 4A.


“By next week, we will be launching in specific regions in the country like Davao and Cebu,” saad ng opisyal.


Aniya, magiging phased implementation ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga naturang kabataan.


“Dumating ang 780,000 doses ng bakuna kagabi para sa ating kabataan. Sunud-sunod nang darating ang mga bakuna kaya we will have our expansion within this month,” dagdag ni Vergeire.


Paliwanag naman ni Vergeire, ang vaccination sa mga nasabing kabataan ay purely voluntary o pawang boluntaryo lamang at ang mga magulang ang dapat na magpasya kung payag o hindi sila na bakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.


Sinabi pa ng kalihim na handa rin ang nakalaang system para ma-detect ang anumang adverse event na maaaring maranasan ng mga bata dahil sa vaccination, subalit giit ni Vergeire, ang benepisyo ng bakuna ang nananatiling nakahihigit sa panganib na dulot ng COVID-19.


Gayundin, ayon kay Vergeire, “vaccination will prevent a reported phenomenon in children called Multi-system Inflammatory Syndrome, a severe form of COVID-19 which results in multiple organ failures.”

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page