3 araw nang nawawala, natagpuan sa damuhan... 12-anyos na babae, pinatay sa sakal

ni Mervin Reyes @News | November 29, 2026

Photo: File
Natagpuang patay ang isang 12-anyos na babae na tatlong araw nang nawawala sa madamong bahagi ng Brgy. Singcang-Airport, Bacolod City nitong Biyernes ng gabi, Nobyembre 27.
Batay sa imbestigasyon, nawawala ang biktima mula noong Nobyembre 25 at huling nakitang sumakay sa traysikel na minamaneho ng suspek na kinilalang si alyas Herbert.
Ayon sa pulisya, umamin umano ang suspek sa ilang kapitbahay na sinakal niya ang bata at iniwan ang bangkay nito sa madamong bahagi ng Purok Saturn Venus.
Isinuko ng mga kapitbahay ang suspek sa mga pulis. Itinuro rin umano nito sa mga awtoridad ang kinaroroonan ng bangkay ng biktima.
Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng bata upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at kung may iba pang palatandaan ng pang-aabuso.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.





Comments