Mount Aso ng Japan, sumabog
- BULGAR

- Oct 20, 2021
- 1 min read
ni Lolet Abania | October 20, 2021

Sumabog ang isang bulkan sa Japan ngayong Miyerkules, kung saan nagbuga ito ng ash falls na umabot ng ilang milya sa papawirin habang ang mga opisyal ay nahirapang magbigay ng babala sa panganib na idudulot ng lava flows at mga nagbabagsakang mga bato, subalit wala namang nai-report na nasawi o napinsala dahil dito.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, ang Mount Aso, isang tourist destination na nasa main southern island ng Kyushu, ay nagbuga ng abo o ash ng 3.5 km (2.2 miles) taas nang ito ay sumabog bandang alas-11:43 ng umaga (0243 GMT) ngayong Miyerkules.
Itinaas ang alert level ng bulkan sa 3 na nasa scale na 5, at pinayuhan ang mga residenteng iwasan muna ang lugar, habang nagbabala rin sa lahat hinggil sa panganib ng pagbagsak ng mga tipak ng bato at pyroclastic flows sa loob ng radius nito na nasa 1 km (0.6 mile) sa paligid ng Nakadake crater ng bulkan.
Sinabi ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno sa mga reporters na sa ngayon, inaalam na rin ng gobyerno ang estado at bilang mga mga climbers na naroon sa naturang bundok, habang aniya, wala pang report na nasawi matapos ang pagsabog ng bulkan.
Nakapagtala rin ang weather agency ng matinding ash falls mula sa 1,592-meter (5,222-foot) mountain na nasa prefecture ng Kumamoto na inaasahan pang mararanasan sa mga kalapit na bayan hanggang mamayang hapon.
Matatandaang nagtala na rin ng eruption noong 2019 ang Mount Aso, habang 63 katao naman ang namatay nang sumabog naman ang Mount Ontake noong September 2014.








Comments