2nd Grand Slam title naiuwi ni Eala sa Doubles
ni MC - @Sports | June 14, 2021

Bumuhos ang pagbati kay Alex Eala matapos nitong maibulsa ang pangalawang junior Grand Slams title nang magwagi kasama ang Russian partner na si Oksana Selekhmeteva sa French Open Girls Double sa Paris, France. Nakuha nina Eala at Selekhmeteva ang titulo matapos ilampaso sina Amarissa Kiara Toth at Maria Bondarenko sa finals sa iskor na 6-0, 7-5.
Dinomina ng Filipino-Russian duo ang kalaban sa Girls' Doubles tournament bilang top seed matapos pareho itong mapatalsik sa Girls' Singles competition. Malakas ang simula nina Eala at Selekhmeteva kung saan tinigpas nila sa iskor na 6-0 ang kalaban sa opening set.
Sa 2nd set ay nagpakita ng pagpalag sina Toth at Bondarenko at nakuha pa ang kalamangan sa iskor na 4-2 matapos umiskor ng break mula sa serve nina Eala at Selekhmeteva. Pero, muling nakuha nina Eala at Selekhmeteva ang kanilang momentum upang kuhanin ang kanilang unang kalamangan sa 2nd set sa iskor na 5-4 at hindi na lumingon pa para kuhanin ang karangalan. Unang nakuha ni Eala ang kanyang Juniors Grand Slam noong January 2020 matapos magwagi sa Girls' Doubles title sa Australian Open kasama si Priska Nugroho ng Indonesia.





Comments