21 Bagong kaso ng HIV/AIDS araw-araw sa ‘Pinas
- BULGAR

- Feb 26, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 26, 2021
Habang abala ang marami sa ating mga kababayan sa paghihintay sa pagdating ng bakuna laban sa COVID-19 ay hindi natin namamalayan ang pagtaas ng mga kaso ng iba pang nakamamatay na sakit na matagal nang natukoy sa ating bansa.
Labis na inaagaw ang ating atensiyon nang kakulangan sa merkado ng karneng baboy dahil sa mataas na kaso ng African Swine Fever (ASF) na itinuturong dahilan nang pagkaubos ng baboy sa mga pamilihan.
Ngayon, heto na naman ang bagong variant ng bird flu na dati-rati ay sa mga manok at ibon lamang nakahahawa ngunit ngayon ay kumpirmadong nakahahawa na rin sa mga tao.
Pero hindi natin namamalayang 21 kaso pala ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) ang naitatala araw-araw sa ating bansa at itinuturing na tayong isa sa may pinakamabilis na pagtaas ng kasong ito sa buong mundo.
Ayon sa Department of Health (DOH), nahaharap tayo ngayon sa malaking banta hinggil sa ating kalusugan na labis na nangangailangan ng kooperasyon at pagtutulungan ng lokal na komunidad, civil society organizations at ng mismong pamahalaan.
Unang pumutok at dumami ang kaso ng HIV sa Pilipinas mula 1984 hanggang 2006 at mula noon ay nagkaroon na nang pagbagal ang pagtaas ng kaso at nanatili tayo sa lower level ng HIV epidemic at kung meron mang nadaragdag sa kaso taun-taon ay napakababa.
Ayon sa pinakahuling ulat ng DOH HIV/AIDS and ART Registry of the Philippines (HARP), umabot na umano sa kasalukuyan ang bilang ng kaso ng HIV at AIDS sa 81,169 mula Enero 1984 hanggang Oktubre 2020.
Sa pagpasok ng taon ay nananatiling nasa 735 ang kumpirmadong kaso ng positibong indibidwal na may HIV at 96 porsiyento sa mga ito o 704 na indibidwal ay pawang mga lalaki kabilang na ang mga kaanib ng LGBTQ+.
Sa kabuuang bilang na 81,169 kaso ng HIV na natukoy ay lumalabas na mahigit kalahati sa mga ito o 51 porsiyento ( 41,163 indibidwal) ay mga lalaking may edad 25 hanggang 34 nang sila ay makumpirmang positibo sa naturang sakit.
Sa kabuuang kaso ay inulat na ang National Capital Region (NCR) ay may naitalang 30,622 kaso o 38 porsiyento, ang CALABARZON ay may 12,467 kaso o 15 porsiyento, ang Central Luzon ay may 8,005 kaso o 10 porsiyento, ang Central Visayas ay may 6,827 kaso o 8 porsiyento at Davao Region na may 4,477 kaso o 6 porsiyento.
Nakakaalarma ang ulat na ito at marahil ay panahon na para ituro natin sa ating mga anak ang ligtas na pakikipagtalik dahil hindi naman natin sila mapigil na makipagrelasyon at makapili ng tamang makakasama.
Ligtas ang ating mga anak na may kaalaman hinggil dito at maraming magulang ang nahihiyang talakayin ang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa ligtas na pakikipagrelasyon na matagal nang problemang kinahaharap ng maraming mga magulang.
Huwag na nating iasa sa mga paaralan na ituturo ang ligtas na pakikipagtalik dahil mismong sa social media ay nagkalat na ang mga pag-aaral hinggil dito maliban pa sa mga malalaswang panoorin na nakadaragdag pa sa problema.
Mas mabuti kung tayong mga magulang na siyang higit na may malasakit sa ating mga anak ang dapat gumabay upang maiwasan ang hindi inaasahang pagbubuntis, sexually transmitted infections (STIs) tulad ng gonorrhea, chlamydia, trichomoniasis, hepatitis B, at ang human immunodeficiency virus/acquired immunodeficiency syndrome (HIV/AIDS).
Sa mga nasa edad naman na may karelasyon o may asawa ay hindi mabigat ang panuntunan ng pag-iingat, unang-una ay maging tapat sa minamahal, kung hindi maiiwasang muling mabihag ang iyong puso ay kilalanin itong mabuti.
Kung wala nang panahon para sa mga ito ay kailangan nang gumamit ng proteksiyon bago umaksiyon dahil ang sakit na makukuha sa sandaling kapusukan ay kapalit ng sakit na pati mga mahal sa buhay ay madadamay.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments