2027 national budget, dapat i-live telecast para walang singitan ng pork barrel
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 19, 2026

DAPAT SIBAKIN AGAD NI PBBM SINA SEC. DIZON AT SEC. LAUREL KAPAG MAY ALINGASNGAS SA KANILANG MGA PROYEKTO – Matapos kuwestyunin ni Ombudsman Boying Remulla ang palpak na P60 billion EDSA road project ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na agad nawasak dahil sa pananalasa ng Habagat, sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na “hahanapin” nila kay Department of Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel ang mga farm-to-market road na may budget na P25 bilyon.
Kapag sa imbestigasyon ng Ombudsman ay may matuklasang alingasngas sa proyekto ni Sec. Dizon at, sa panig naman ng Senado, ay matuklasan din ni SP Gatchalian na may alingasngas sa farm-to-market road project ni Sec. Laurel, dapat automatic na sibakin agad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dalawang government officials na ito. Period!
XXX
DAPAT LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAMS MULA 2016 ONWARDS AY MANAGOT AT IKULONG – Patindi nang patindi ang nararanasang kalbaryo sa baha ng mamamayan.
Kung hindi sana kinurakot ng mga “buwayang” senador, kongresista, kontraktor, DPWH officials at iba pang sangkot ang mga pondo para sa flood control projects, hindi sana nakararanas ng lampas-tao at lampas-bahay na baha ang mamamayan.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ng kontraktor na si Sarah Discaya na noong 2016 pa umano nagsimula silang makakuha ng mga kontrata sa DPWH.
Sa isyung ito, dapat walang santuhin si Ombudsman Remulla. Dapat lahat ng sangkot sa flood control scams mula 2016 onwards ay managot. Dapat makulong ang mga ito nang habambuhay. Boom!
XXX
MGA CONG. SA QC NA SANGKOT SA SUBSTANDARD AT UNFINISHED FLOOD CONTROL, IBASURA SA 2028 ELECTIONS – Isa sa mga labis na naapektuhan ng matinding baha ay ang Quezon City. Kaya nakaranas ng ganitong sitwasyon ang lungsod dahil ang mga flood control project ng DPWH sa mga distrito sa QC, na pinondohan ng daan-daang milyong piso, ay karamihan substandard at hindi natapos.
Sa darating na 2028 election, dapat resbakan ng mga residente ang mga kongresista sa kanilang lungsod na sangkot sa flood control. Ibasura sila sa halalan. Period!
XXX
DAPAT I-LIVE TELECAST ANG PAGHIMAY SA 2027 NATIONAL BUDGET – Ngayong nasa House of Representatives (HoR) na ang National Expenditure Program (NEP) para sa P7.2 trilyong national budget para sa taong 2027, dapat isapubliko o i-live telecast ng Kamara ang gagawin nilang paghimay sa pambansang badyet.
Sa ganitong paraan, posibleng maiwasan ang mga insertion ng mga kongresista dahil baka mahiya silang makita ng publiko na sa deliberasyon ng national budget ay nagsisingit sila para sa kanilang mga “pork barrel” projects. Boom!




Comments