2022 candidates, isa-isang ginigisa… PACQUIAO AT ATIENZA, UMATRAS SA INTERVIEW SA NET25
ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 02, 2022

Nanghinayang kami nang makarating sa amin na hindi na matutuloy ang panayam this week ng mga batikan at beteranang broadcasters at ASPN Primetime hosts na sina Ali Sotto at Pat-P Daza kina presidentiable Manny Pacquiao at vice-presidentiable Lito Atienza.
May nagtsika sa amin na last minute ay nagpasabi sina Sen. Manny at dating Manila Mayor Atienza na hindi na matutuloy ang panayam sa kanila nina Ali at Pat-P dahil may Senate hearing daw at nag-conflict ito sa schedule ng interview.
Knowing Ms. Pat at Ms. Ali na magaling 'manggisa' ng kanilang subject for interview, maraming puwedeng malaman ang mga botante sa tambalang Pacquiao-Atienza na tumatakbo sa pagka-pangulo at bise-presidente sa May 2022 elections.
But anyway, tuloy na tuloy naman daw ang pakikipanayam ng dalawang ASPN Primetime hosts sa iba pang kandidato sa eleksiyon.
Sa linggong ito, kikilalanin nina Ali at Pat-P ang anim pang senatoriables bilang parte pa rin ng special election series na Mata ng Halalan 2022 ng NET 25.
Nu'ng Lunes (Jan. 31), sumalang sa ASPN Primetime sina Sen. Risa Hontiveros at dating Spokesperson Harry Roque, Jr.. Kagabi (Martes), sina dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at peace advocate Robin Padilla naman ang ininterbyu nina Ali at Pat-P.
At ngayong Miyerkules, ang human rights lawyer na si Chel Diokno at si dating Presidential Anti-Corruption Commission Chair Greco Belgica ang kanilang mga guests.
Wala pa kaming detalye kung sino ang ipapalit ng programa kina Sen. Manny Pacquiao at House Deputy Speaker Lito Atienza sa Huwebes.
Matututukan ang ASPN Primetime simula 8:00 PM, Lunes hanggang Huwebes, sa terrestrial TV (Channel 25), Sky Cable (Channel 18), Home Cable (Channel 18) at Global Destiny (Channel 19).
Masusubaybayan at mababalikan din ang mga naunang episodes sa opisyal na social media accounts ng NET 25, partikular na sa Facebook at YouTube.





Comments