2021, rebolusyon ng batang Igorot warriors sa ONE C'Ship
- BULGAR
- Dec 29, 2021
- 2 min read
ni MC - @Sports | December 29, 2021

Tunay na naging masalimuot ang 2021 para sa ibang miyembro ng Team Lakay dahil sa pagharap sa dalawang kalaban, ang COVID-19 pandemic at mga kasagupa sa ONE Circle.
Dahil sa dugong mandirigma ang mga Igorot, ang kanilang tapang ay hindi natinag laban sa mga dekalibreng kalaban sa ONE Championship.
Higit na nanaig ang lakas ng mga batang rebolusyunaryo tulad ni ONE Strawweight World Champion Joshua "The Passion" Pacio na nagpakitang gilas makaraan ang 18 buwan na hindi aktibo. Pinatahimik niya noong Setyembre si Yosuke "The Ninja" Saruta sa bisa ng first round knockout at manatili sa baywang ng 25-anyos na fighter ang korona para sa 56.7 kgs class.
Unanimous decision noong Hulyo ang napasakamay ni Jeremy "The Juggernaut" Pacatiw sa bantamweight division "The Ghost" Chen Rui. At bago magtapos ang 2021, ang pinakapatang bantamweights na sina Stephen "The Sniper" Loman at Jhanlo Mark "The Machine" Sangiao ay impresibo sa ONE Winter Warriors II nitong Disyembre. Isang pamatay na left hook ang ipinantapos ni Loman kay Russian Yusup "Maestro" Saadulaev sa 1st round.
First round submission din ang ipinatikim ni Sangiao sa bisa ng rear naked choke kay Paul "The Great King" Lumihi. Killer left hook din sa round 2 ang pinadapo ni Lito "Thunder Kid" Adiwang para pasukuin si Namiki Kawahara noong Enero kasunod ng pagpitpit kay Wolf of the Grasslands Hexigetu sa One Revolution. Pero pinayuko siya ni "The Monkey God" Brooks noong Nobyembre sa bisa ng arm triangle choke.
Napa-tap din ni Jenelyn Olsim si Maira Mazar sa guillotine choke noong Marso para sa women's atomweight division. Subalit sumuko siya kay Indian Phogat sa semis ng One Nextgen.
Nabigo si dating ONE Lightweight World Champion Eduard "Landslide" Folayang kay Shinya "Tobikan Judan" Aoki sa 3rd rematch at kay Zhang Lipeng. Tumiklop si Kevin The Silencer Belingon kay Kwon Won. Hindi rin pinalad si ONE Flyweight World Grand Prix runner-up Danny "The King" Kingad sa comeback fight kontra Kairat "The Kazakh" Akhmetov.
Sa mga beterano, tanging si Edward "The Ferocious" Kelly ang namayani kontra Ahmed “The Prince” Faress via split decision noong Mayo.




Comments