top of page

15 taon ng paghihintay: Ang mabagal na hustisya sa kaso ni Dr. Gerry Ortega

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 18, 2026



Fr. Robert Reyes


Ika-24 ng Enero 2011, labinlimang taon na ang lumipas mula nang paslangin si Dr. Gerry Ortega sa isang ukay-ukay sa tabi ng kanilang veterinary clinic sa Puerto Princesa. Nahuli na ang lahat ng sangkot sa krimen, kabilang ang itinuturong “mastermind.” Bagama’t mabagal, umusad na ang kaso sa korte. Ang problema: nananatiling napakakupad ng proseso ng hustisya.


Nakalaya na ang akusadong mastermind at kalauna’y muling ibinalik sa kulungan. Hanggang ngayon, hindi malinaw kung siya ba’y kasalukuyang nakakulong o pansamantalang nakalaya muli sa kung anong dahilan.


Sa loob ng isang linggo, babalik na naman sa Maynila ang pamilya ng pinaslang na beterinaryo. Taun-taon, lumuluwas si Patty Ortega, biyuda ni Dr. Gerry, kasama ang ilan sa kanilang mga anak upang kalampagin ang pamahalaan na tila walang malasakit sa mabagal na takbo ng hustisya. Ilang abogado na ang humawak sa kaso, ngunit nananatiling mabagal ang usad nito. Hindi pa natin nakakausap nang masinsinan si Patty o ang kanyang mga anak tungkol sa kasalukuyang estado ng kaso, ngunit malinaw ang isang bagay: nakaka-eskandalo ang tagal ng paghihintay para sa hustisya.


Hindi na inabutan ni dating Mayor Edward Hagedorn ang resolusyon ng kasong ito. Malapit siya kay Dr. Gerry, gayundin si dating Gobernador Jose Ch. Alvarez. Gayunman, tila wala pa ring nagagawa ang sinuman upang pabilisin ang proseso. Ayon sa isang kaibigan nang tanungin kung bakit ganito kabagal ang usad ng kaso: “Wala tayong masyadong magagawa hangga’t naririyan ang mga dinastiya.”


Hawak ng mga dinastiya ang halos lahat—mula pulitika at ekonomiya hanggang kultura, edukasyon, kalusugan, at maging sa media at simbahan. Mula lokal hanggang pambansang interes, mula munting negosyo hanggang dambuhalang korporasyon, naroroon ang lantad at lihim na impluwensiya ng mga dinastiya sa bawat sulok ng lipunan.


Ngayon, nasasaksihan natin ang banggaan ng malalaking korporasyon at makapangyarihang pamilya, pati ang mga sigalot sa pagitan ng mga dinastiyang nasa magkaibang panig ng pulitika. Sa gitna nito, ano ang laban ng maliit na pamilya ni Dr. Gerry Ortega laban sa mga dambuhalang pamilyang humahawak sa kapangyarihan sa Palawan?

Kung susuriin nang mas malalim, hindi lamang ito tunggalian ng mahihirap at makapangyarihan. Isa itong labanan ng katotohanan at kasinungalingan—ng katotohanang ginagapos ng kapangyarihan at ng katotohanang hawak ng mga walang tinig at impluwensiya.


Mahaba ang pisi ng mga nagpaslang kay Dr. Gerry at ng kanilang mga kakampi. Samantala, halos wala nang mahawakan ang mga maliliit na biktima ng pang-aabuso at krimen. Sa loob ng labinlimang taon, ilang abogado na ang humawak sa kaso? Ilang pagdinig na ang nagdaan? Ilang korte pa ang dadaanan bago tuluyang lumabas ang katotohanan at makamit ang hustisya?


May mangyayari kaya sa mga pangakong papanagutin ang mga kurakot sa Senado at Kongreso? Lumipas na ang panahong sinabing may mangyayari bago mag-Pasko. Sa darating na Pebrero, ika-40 anibersaryo na ng People Power Revolution. May kaugnayan ba ang apat na dekadang ito ng demokrasya sa sinapit ng kaso ni Dr. Gerry Ortega?


Sa paligid ng mga dinastiya ay naroroon ang mga sistemang kanilang pinakikilos—ang media mula telebisyon at radyo hanggang social media at AI, at ang sistema ng katarungan mula piskalya hanggang Korte Suprema. Ngunit kanino ba talaga nagsisilbi ang mga sistemang ito: sa maliliit at karaniwang mamamayan, o sa makapangyarihan?


Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Kristo sa Mateo 18:5–6: “Malibang kayo’y maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit”? Patuloy na sinasamantala ng makapangyarihan ang mahihina, at patuloy namang umaasa ang maliliit sa gabay at hustisya ng Diyos.


Noong nabubuhay pa si Dr. Gerry, araw-araw silang nagdarasal ni Patty. Ngayong wala na siya, walang nagbago. Patuloy pa ring nagdarasal si Patty—kasama ang lahat ng naniniwala—na balang-araw, ang katotohanan at katarungan ay magwawagi rin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page