ni Lolet Abania | June 22, 2022
Labing-apat mula sa 17 rehiyon sa Pilipinas ang nalampasan na ang kanilang epidemic threshold ng naitalang mga kaso ng dengue, batay sa anunsiyo ng Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nai-report na ang bansa ay mayroong 39,705 cases ng dengue mula Enero 1 hanggang Hunyo 4, 31% na mas mataas kumpara sa mga kaso sa parehong period noong nakaraang taon.
Karamihan, ani Vergeire, ng mga kaso na naiulat ay mula sa Central Visayas, Central Luzon, at sa Zamboanga Peninsula.
Nakapag-record naman ng 9,814 cases ng dengue mula Mayo 8 hanggang Hunyo 4, kung saan aniya, karamihan sa mga kaso ay mula sa Central Luzon, Central Visayas, at Calabarzon.
“’Yun pong ibang mga regions, we are already noting increasing trends in the recent comorbidity weeks. So 14 out of 17 regions na po ang nakapag-exceed ng kanilang epidemic thresholds for the past four weeks,” saad ni Vergeire sa isang media briefing.
Una nang sinabi ni Vergeire na ikinukumpara ng ahensiya ang kasalukuyang bilang ng mga kaso sa parehong period noong nakaraang taon para madetermina kung ang isang lugar ay nag-exceed na ng kanilang threshold ng naturang sakit.
Ayon pa kay Vergeire, nasa 202 na ang nai-record na nasawi sa bansa dahil sa dengue simula nitong Enero. Sa nasabing bilang, 29 ang naiulat noong Enero, 36 noong Pebrero, 34 noong Marso, 43 ng Abril, 48 ng Mayo at dalawa ngayong Hunyo.
Payo naman ni Vergeire sa publiko na sumunod at isagawa ang 4S strategy, kung saan ito ay search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation, and support fogging or spraying in hotspot areas upang makaiwas na tamaan ng sakit na dengue.
Comments