120-araw lang ang bisa ng marriage license
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 02, 2021
Dear Chief Acosta,
Nakuha namin ang lisensiya sa pagpapakasal noong Enero ng taong ito, ngunit naantala ang seremonya ng kasal dahil sa pandemya. Magpapakasal sana kami noong Hunyo ng taong ito, ngunit hindi ito natuloy dahil nakita ng magkakasal na wala nang bisa ang nasabing lisensiya. Paano nawalan ng bisa ang lisensiya sa pagpapakasal kung hindi naman ito nagamit? – Baldo
Dear Baldo,
Ang inyong katanungan ay binigyang linaw sa Article 20 ng Family Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:
“Art. 20. The license shall be valid in any part of the Philippines for a period of one hundred twenty days from the date of issue, and shall be deemed automatically cancelled at the expiration of said period if the contracting parties have not made use of it. The expiry date shall be stamped in bold characters on the face of every license issued.” (Binigyang diin)
Malinaw na sinasabi ng ating batas na ang lisensiya sa pagpapakasal ay may bisa sa loob ng 120-araw mula sa petsa ng pag-isyu, at dapat ituring na awtomatikong nakansela sa pag-expire ng nasabing panahon kung hindi pa ito nagamit ng mga magpapakasal.
Samakatwid, ang inyong lisensiya sa pagpapakasal ay nawalan ng bisa dahil hindi ninyo ito nagamit sa loob ng 120-araw mula noong nakuha ninyo ito noong Enero ng taong ito. Ang nasabing lisensiya ay awtomatikong nakansela sa pag-expire ng nasabing panahon kahit hindi pa ninyo ito nagagamit.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Hi Attorney Acosta, good morning po! Nawa, nasa mabuti po kayong kalagayan, pati ang inyong buong pamilya
Need ko po ng payong legal. Sana matulungan ninyo ako.
Puwede bang utusan ng isang company na magtrabaho ang isa nitong emplyeado na naka-maternity leave? Kung hindi ito puwede, ano ang puwedeng penalty laban sa ganitong company?
Salamat po in advance and may GOD continue to bless and keep you po. :)