- BULGAR
106K polling precincts, babantayan ng PPCRV sa Election Day
ni Lolet Abania | May 6, 2022

Nakatakdang magbantay sa mahigit 106,000 polling precincts ang grupong Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) kaugnay sa nalalapit na May 9 elections.
Sa isang interview ngayong Biyernes, sinabi ni PPCRV Chairperson Myla Villanueva na ang kanilang mga volunteers ay mag-a-assist sa mga botante na nasa mga polling centers sa araw ng eleksyon, habang itsi-check din nila ang mga election returns para tiyakin ang accuracy ng mga bilang ng boto.
“Alam niyo napakadaming presinto ngayong Lunes, 106,000 precincts po ang babantayan ng PPCRV. Kami po ay accredited citizen’s arm ng Comelec (Commission on Elections), nagtatrabaho po tayo para sa taumbayan,” ani Villanueva.
Bilang accredited citizen’s arm ng Comelec, matatanggap ng PPCRV ang ikaapat na kopya ng election returns. Susuriin naman ng PPCRV kung ang kopya ay magkatugma ang data sa electronic election return.
Ayon kay Villanueva, noong 2019 midterm elections, ang PPCRV ay nakapag-record ng 99.995% ng matching rate sa pagitan ng physical election returns at ng electronically transmitted copies.
Hinimok naman ni Villanueva ang publiko para sa May 9 elections, na mag-sign up bilang volunteers na poll watchdog o kaya naman ay mag-donate ng pagkain, tubig, mga masasakyan, at iba pang resources na maaari nilang boluntaryong maibigay.
Para sa mga interesadong maging PPCRV volunteers ay maaaring magtungo sa parokya o parish na malapit sa kanila o alamin ang iba pang detalye sa ppcrv.org or ivolunteer.com.ph.