10 yrs. kulong sa same-sex relationship
- BULGAR

- Feb 26
- 2 min read
by Jenny Rose Albason @Overseas News | February 26, 2026

Photo: File / Senegal Prime MInister Ousmane Sonko - Seyllou, AFP
Inihain nitong Martes ng Prime Minister of Senegal ang isang panukalang batas na magdodoble sa parusa laban sa same-sex relations, na maaaring magresulta sa hanggang 10 taong pagkakakulong.
Ayon kay Ousmane Sonko, ang sinumang mapatunayang gumawa ng “act against nature” ay papatawan ng lima hanggang 10 taong pagkabilanggo, mula sa kasalukuyang parusang isa hanggang limang taon.
Naipasa na sa National Assembly of Senegal ang panukala matapos itong aprubahan ng gabinete noong nakaraang linggo.
Isinusulong ang panukala kasunod ng ilang pag-aresto sa mga taong inakusahan ng paglabag sa umiiral na batas laban sa LGBTQ. Ayon sa pulisya, kabilang sa mga naaresto ngayong buwan ang ilang kalalakihan, kabilang ang dalawang lokal na personalidad at isang kilalang mamamahayag.
Iniulat din ang mga kaso ng same-sex relations na, sa ilang ulat, iniuugnay sa hiwalay na kaso ng pang-aabuso sa mga menor-de-edad. Sa naturang kaso, natukoy ng mga imbestigador ang isang grupo na inakusahan ng sexual violence laban sa mga bata, kung saan 14 katao ang naaresto.
Ayon kay Sonko, saklaw ng panukalang batas ang parehong isyu—same-sex relations at child sexual abuse. Dagdag pa niya, kung ang naturang gawain ay kinasasangkutan ng menor-de-edad, ipapataw ang pinakamataas na parusa.
Nakasaad sa panukala na ang anumang sexual act sa pagitan ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay ituturing na “act against nature.” May probisyon din ito na magpapataw ng tatlo hanggang pitong taong pagkabilanggo sa sinumang magsusulong o magsasagawa ng adbokasiya para sa same-sex relations.
Matagal nang sensitibong usapin sa Senegal ang LGBTQ rights, kung saan madalas tutulan ng mga relihiyosong grupo ang ganitong adbokasiya at iginiit na ito ay impluwensiya ng western countries. Ilang demonstrasyon na rin ang isinagawa sa nakaraang mga taon upang humiling ng mas mabigat na parusa.




Comments