10 movies na ang kasali… VICE BALIK-MMFF, VIC AT PIOLO MAGKASAMA SA PELIKULA
- BULGAR

- Jul 17, 2024
- 2 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 17, 2024

Sa pagdiriwang ng 50th year ng Metro Manila Film Festival o MMFF ay gagawing sampung pelikula ulit ang mapapanood sa December 25, 2024.
Ito ang masayang balita ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa launching ng Sine Sigla sa Singkuwenta kahapon sa Bulwagang Rodriguez ng Manila City Hall.
Base sa 39 scripts na isinumite sa MMFF ay napili ang lima at ito ay ang mga sumusunod:
Naunang tinawag ang And The Breadwinner Is… na pagbibidahan nina Vice Ganda at Eugene Domingo mula sa direksiyon ni Jun Robles Lana, produced ng ABS-CBN Film Productions, Inc. at Ideafirst Company.
Sunod ang Green Bones nina Sofia Pablo at Dennis Trillo handog ng GMA Picures sa direksiyon ni Zig Dulay.
Pasok din ang horror film na Strange Frequencies: Haunted Hospital mula sa Reality MM Studios, INC., na pagbibidahan nina Jane de Leon, Enrique Gil, Alexa Miro at MJ Lastimosa.
Ang Himala: Isang Musikal ay masuwerteng pasok din mula sa Kapitol Films/Unitel starring Aicelle Santos at Bituin Escalante.
Balik-MMFF naman si Piolo Pascual sa pelikulang The Kingdom kasama ang nagbabalik ding si Bossing Vic Sotto produced ng ATP/MZET at MQuest mula sa direksiyon ni Mike Tuviera.
Samantala, sina Jake Ejercito at Isabelle Daza ang nagsilbing hosts ng Sine Sigla sa Singkuwenta na dinaluhan ng mga producers, directors at ni MMDA/MMFF Chairman Atty. Don Artes, Manila Mayor Honey Lacuña-Pangan, Manila Vice-Mayor Yul Servo, MMFF executive Atty. Rochelle Macapili-Ona, Mowelfund CEO, Boots Anson-Rodrigo at iba pang execoms ng MMFF at ang First Lady na si Liza Araneta-Marcos.
Sa pagdiriwang ng Sine Sigla sa Singkuwenta ay umaasa ang lahat at ang Cinema Exhibitors Association of the Philippines o CEAP na madaragdagan ang dating 800 cinemas na nagbukas noong 2023 na sana ngayong 2024 ay maging 900 o higit pa.
Base sa buwanang kalendaryo ng MMFF ay magkakaroon ng masterclass workshops sa mga estudyante ng Manila, Cebu at Davao, may celebrity golf tournaments, the launch of a coffee table book, at iba pa.
“Hindi ko po masasabing pressure, pero we are elevating the bar, hindi lang sa kalidad kung ‘di sa box office. Hopefully, kami ay umaasa mapapabalik natin ‘yung mga nakapanood nu’ng nakaraang taon and hopefully, mas marami pa ngayong taon,” pahayag ni Att. Artes.
Gaganapin ang annual parade sa December 15, ang MMFF Sponsor’s Night ay sa December 21 at ang Gabi ng Parangal ay sa December 27.
Ang Filipino-American visual artist na si Jefrë ang gagawa ng mga trophies ng MMFF Awards Night.
Samantala, ang last day ng submission ng finish films ay sa Setyembre 30.





Comments