Zero-balance billing program ng DOH, dapat mas palawakin
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 4, 2025

Nababahala ang inyong lingkod tuwing nababalitaan natin ang ating mga kababayang pumipila sa mga tanggapan ng pulitiko upang humingi ng tulong pinansyal sa kanilang pangangailangang medikal.
Kung sa pulitiko tayo lumalapit upang humingi ng tulong, tila ba binibigyan natin sila ng kapangyarihan upang magpasya kung sino sa ating mga kababayan ang mabubuhay o masasawi. Para sa inyong lingkod, sa sistemang pangkalusugan na mismo dapat nagmumula ang tulong na kinakailangan ng mga kababayan natin pagdating sa mga usaping medikal at mga gastusin nito.
Kaya naman bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, isinusulong ng inyong lingkod na ilipat ang bahagi ng P49 bilyong inilaan para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) sa programang zero-balance billing ng pamahalaan.
Ano nga ba ang zero-balance billing o no balance billing? Kung babalikan natin ang State of the Nation Address (SONA) 2025 ng Pangulo noong nakaraang Hulyo, ibinida at ipinaliwanag niya na wala nang babayaran ang mga pasyente para sa mga serbisyo sa basic accommodation ng mga ospital ng Department of Health (DOH).
Ano naman ang MAIFIP? Ayon sa DOH, ang MAIFIP ay nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kababayan nating nangangailangan upang matiyak ang tuluy-tuloy na access sa mga serbisyong pangkalusugan. Ngunit may ilang mga sektor na pumupuna sa MAIFIP bilang isang anyo ng pork barrel. Imbes na gamitin ang buwis ng taumbayan para direktang maghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan, ginagamit ito ng mga pulitiko upang magbigay ng pabor. Para sa taong 2026, P49 bilyon ang panukalang pondo para sa MAIFIP.
Naninindigan ang inyong lingkod na sapat na dapat ang zero-balance billing program at ang mga benepisyong hatid ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Kung matitiyak natin ang sapat na pondo para sa zero-balance billing at sa PhilHealth, hindi na kakailanganin ng ating mga kababayang pumila sa tanggapan ng mga pulitiko o magmakaawa para sa tulong pinansyal.
Ngunit kailangan din nating tiyakin na ang mga ospital ng DOH ay may sapat na kakayahan upang tumanggap ng mga pasyente, lalo na’t pinagsisikapan nating palawakin pa ang zero-balance billing na programa ng pamahalaan. Batay kasi sa ating pagsusuri, lumalabas na marami sa ating mga pampublikong ospital, kabilang iyong mga nasa ilalim ng DOH, ang lumagpas na sa kanilang kasalukuyang kapasidad pagdating sa bilang ng mga pasyenteng tinatanggap.
Pinag-aaralan din natin ang paglipat ng bahagi ng pondo ng MAIFIP upang madagdagan ang mga kama sa ating mga pampublikong ospital.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments