Search
  • BULGAR

Zamboanga Valientes, champ sa 3X3 'Xmas Street Hustle

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 13, 2020





Naghatid ng maagang pamasko ang Zamboanga Valientes MLV para sa bandila ng Pilipinas matapos maghari sa BACT 3X3 Christmas Street Hustle sa Belconnen Stadium ng Canberra, Australia noong Sabado.


Pinabagsak ng Valientes ang Black Buckets sa championship, 14-7, upang maging unang koponang Pinoy na magkampeon sa isang torneo ng 3X3 sa Australia.


Namayani sa ilalim ang higanteng si Duom Dawam at lumayo agad ang Valientes, 6-1. Saglit nagbanta ang Buckets, 4-6, subalit sinagot ito ng buslo ni Fil-Oz Adam Compton at dos ni Eric Miraflores upang simulan ang kanilang muling pag-arangkada, 9-4.


Uminit muli si Dawam, isang dating reserbang manlalaro ng Ateneo de Manila Blue Eagles, at kasama sina Compton at Christopher Concepcion ay tinayo nila ang pinakamalaking kalamangan, 14-4. Nagtapos si Dawam na may pitong puntos at sinundan siya nina Compton na may apat, dalawa kay Miraflores at isa kay Concepcion.


Sa semifinals, tinalo ng Zamboanga ang Orange Buckets, 16-11, habang nanalo ang Black sa White Buckets, 15-8. Nagbunga ang kanilang sakripisyo matapos ang halos anim na oras na lakbay mula sa kanilang base sa Melbourne patungo sa Canberra, ang kabisera ng Australia.


“Malaking karangalan talaga at ito ay para sa Zamboanga, akala ko hindi kami mag-champion kasi natalo kami sa kanila sa elimination pero malaki ang puso ng mga player,” wika ni Coach Rolando “Junnie” Navarro. “Umangat ang pagiging beterano ni Concepcion, maganda ikot ng bola.”


Ang torneo ay nagsilbi rin na patunay sa patuloy na pagwawagi ng Australia laban sa COVID-19. Plano ng Valientes na lumahok pa rin sa mga susunod na torneo sa Australia ngayong 2021 kasabay ng kanilang mga laro sa Chooks To Go Pilipinas 3X3 at National Basketball League (NBL).

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.