Zamboanga Sibugay, isa na lang para sa kampeonato
- BULGAR
- Dec 17, 2021
- 1 min read
ni Gerard Arce - @Sports | December 17, 2021

Lumapit sa kampeonato ang Zamboanga Sibugay Anak Mindanao Warriors nang ilubog ang BYB Kapatagan Buffalos sa iskor na 73-64 sa Game One ng best-of-three championship series ng CTG Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge, Miyerkules ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
Kinakailangan na lang magwagi ng isang laro ng Sibugay para makuha ang titulo ng 2nd conference ng kauna-unahang professional league sa katimugan. “Aayusin pa namin especially ‘yung defense. Papagurin pa namin sila, tatakbuhan namin sila para makuha na ‘yung championship bukas,” wika ni Zamboanga Sibugay head coach Arnold Oliveros.
Mula sa 58-60 na bentahe ng Kapatagan sa nalalabing 4:38, bumanat ng 15-4 blast ang Zamboanga Sibugay hanggang dulo upang tapusin ang laro mula sa magandang depensa at ikot ng bola.
Dito nagtulong-tulong sina Rhaffy Octubre Enrique Cunanan, Jan Jamon, Mythical 5 member Shaq Imperial, at best player of the game na si Jaybie Mantilla. Siniguro ni Octubre ang panalo para sa Zamboanga nang itarak ang malupit na jump shot sa nalalabing 44.60 segundo ng laro para sa 73-62 iskor. “Pinasikip namin ‘yung shaded area para makuha namin ‘yung rebound or mastop namin sila down the stretch,” pahayag ni coach Oliveros.





Comments