Zambo Sibugay, pinasuko ang Pagadian sa VisMin Cup
ni Gerard Arce - @Sports | December 04, 2021

Dalawang magkasunod na three-point basket ang isinalpak nina Jan Jamon at Michole Solera, katulong ang dalawang mintis na free throws ng Pagadian sa crucial moments ng 4th period para maitakas ng Zamboanga Sibugay Anak Mindanao Warriors ang panalo sa iskor na 71-70, kagabi sa second round ng Pilipinas Chooks-To-Go Vis-Min Cup Mindanao Challenge sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Bumanat ng nagbabagang tres ang 28-anyos na forward na si Jamon sa nalalabing 40 seconds ng laro para ibaba sa dalawa ang kalamangan ng hometown-bet Pagadian sa 68-70, sabay sinundan ng panlamang na three-point shot mula kay Solera mula sa 24 second shot clock violation ng Pagadian.
May pagkakataon pa ang Pagadian na madala sa panalo o overtime ang laro matapos makakuha ng foul si Glenn Acaylar mula kay Jeoff Acain bago tumunog ang final buzzer.
Ngunit sa kasawiang palad ay hindi na nagawa pang makapunta sa free throw line ni Acaylar matapos nitong maitukod ang siko pabagsak sa pagsabay sa ere ni Acain.
Ibinigay kay home-grown player Judel Ric Fuentes ang pagkakataon upang maitabla o masungkit ang panalo para sa Pagadian Explorers. Subalit hindi nito nagawang ipasok ang dalawang libreng tira para maibigay sa Zamboanga ang pambawing panalo at makasosyo sa liderato sa 5-3 kartada kasama ang Roxas Vanguards at Globalport Z Valientes MisOr.
“Di ko ine-expect na nakuha namin yung panalo mula sa shot ni Michole. Siguro heart na lang yung paglalaro namin, [dahil] nagkawala-wala kami sa last na play namin [sa foul], pero nagtiwala kami sa isa’t isa,” wika ni Shaq Imperial na hinirang na co-best player at leading scorer sa 21pts, 5 assists at 4 rebounds.
“Nung nasa loob ako, mga last second of the game, sinabi lang ni coach sa akin na kailangan itirakung libre. Para sa akin talaga yung play kaya I took advantage of it so, open ako I just have to take it with a heart,” saad naman ni co-best player of the game na si Solera na rumehistro ng 10pts, 5 rebs, at 2 steals.
Sa pagpasok ng fourth period ay tangan ng Pagadian Explorers ang kalamangan sa 54-44, hanggang sa dalhin pa nila ito sa 15-point lead sa 62-47 sa nalalabong 6:32 ng laro mula sa tres ni Lloyd Dechos. Subalit bumanat ng 24-8 run ang Zamboanga Sibugay mula sa pagtutulungan nina Imperial, Jamon Sorela at Monbert Arong para pitasin ang kalamangan.





Comments