Young Azkals lalarga sa Asean AFF U-23 C'Ships
- BULGAR
- Aug 18, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 18, 2023

Laro ngayong Biyernes – Rayong Province Stadium, Thailand
5 p.m. Laos vs. Pilipinas
Tututok muli ang pansin sa Philippine Men’s Football National Team sa paglahok nila sa 2023 ASEAN Football Federation (AFF) Under-23 Championship sa Rayong, Thailand.
Sisimulan ng Young Azkals ang kanilang kampanya sa Grupo C kontra Laos ngayong Biyernes sa Rayong Province Stadium simula ng 5 p.m., oras sa Pilipinas.
Bumuo ang Philippine Football Federation (PFF) ng koponan na tampok ang siyam na beterano ng huling Southeast Asian Games noong Abril at Mayo na isang torneo na Under-22. Dahil dito, makakalaro na ang ilan na lumampas sa takdang edad subalit mas nakakarami pa rin ang mga kabataan na maaaring isalang hanggang sa susunod na torneo.
Magbabalik sa pambansang koponan ang mga midfielder Yrick Gallantes, Dennis Chung, Jacob Pena, Justin Frias at Harry Nunez, mga defender Dov Anthony Carino, David Setters at Kamil Amirul at goalkeeper Enrico Mangaoang. Matatandaan na si Carino ang nagtala ng nag-iisang goal ng Pilipinas sa SEA Games sa 1-1 tabla kontra host Cambodia.
Ang iba pang mga kasapi ay sina Karl Absalon, Jian Vinz Caraig, Patrick Grogg, John Lloyd Jalique, John Albert Luis Lucero, Selwyn Mamon, Jacob Maniti, Martin Joshua Merino, Jared Pena, Jaime Rosquillo, Alexander Caleb Santos at Kurt Talaroc at mga goalkeeper Dimitri Macapagal at Inigo Castro.
Pagkatapos ng Laos ay haharapin ng Young Azkals ang defending champion Vietnam sa Agosto 22 sa parehong palaruan simula 9 p.m. Ang mga magtatapos ng numero uno sa Grupo A, B at C at ang may pinakamataas na kartada sa mga magpapangalawa ay tutuloy sa knockout semifinals.
Nasa Grupo A ang host Thailand, Myanmar, Cambodia at Brunei. Binubuo ang Grupo B ng SEA Games gold medalist Indonesia, Malaysia at Timor Leste.





Comments