Young at Durant, magilas
- BULGAR
- Nov 16, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 16, 2021

Pinabagsak ng Charlotte Hornets ang numero uno sa buong NBA na bisitang Golden State Warriors, 106-102, sa pagpapatuloy ng aksiyon kahapon mula sa Spectrum Center.
Ito na ang ikatlong sunod ng Hornets at kahit naputol sa pito ang sunod-sunod na tagumpay ay nanatili sa liderato ng liga ang Warriors sa 11-2.
Winasak ng buslo ni Miles Bridges ang huling tabla na 102-102 at sinundan ito ng dalawang free throw ni Terry Rozier na may 12 segundo sa orasan para itakda ang huling iskor. Bumida si Rozier na may 9 sa kanyang 20 puntos sa 4th quarter habang 22 puntos si Bridges at 21 galing kay 2021 Rookie of the Year LaMelo Ball. Nagtapos na may 24 puntos at 10 assist si Stephen Curry.
Samantala, nakatikim ng isa pang talo ang World Champion Milwaukee Bucks at hindi nila napigil ang nagbabagang shooting ni Trae Young sa panalo ng Atlanta Hawks, 120-100. Nagsumite si Young ng 43 puntos galing sa walong tres at 10 assist at sinuportahan ni John Collins na may 19 puntos.
Patuloy pa rin ang pagpulot ng aral ni Fil-Am rookie Jalen Green ng Houston Rockets at nagwagi kontra Phoenix Suns, 115-89. Kumuha ng lakas ang Suns sa mga Tokyo 2020 gold medalist Devin Booker na may 26 points at JaVale McGee na may 19 puntos habang 12 puntos lang si Green at hindi napigil ang bagsak ng Rockets sa pinakailalim ng NBA sa kartadang 1-12.
Nagtrabaho ng husto si Anthony Davis upang buhatin ang Los Angeles Lakers sa 114-106 tagumpay sa bisitang San Antonio Spurs.Nagwagi naman ang Chicago Bulls kontra Los Angeles Clippers, 100-90. Namuno sa Bulls si DeMar DeRozan na may 35 puntos.
Umapoy naman si Kevin Durant para sa 33 puntos sa 120-96 panalo ng Brooklyn Nets sa Oklahoma City Thunder. Pinaalala ni Nikola Jokic na siya pa rin ang kasalukuyang MVP at namuno sa 124-95 pagtambak ng Denver Nuggets sa bisitang Portland Trail Blazers.





Comments