top of page
Search
  • BULGAR

Yee, dagdag sa Manila Chooks FIBA 3X3 Lipik

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 17, 2021




Mas malaking hamon ang haharapin ng Manila Chooks TM sa pagsabak nila sa 2021 FIBA 3X3 Lipik Challenger ngayon Mayo 21 at 22 sa Croatia. Maliban sa kailangang dumaan sa qualifying round, marami sa kanilang mga maaaring makaharap sa torneo ay mga nagsasanay at tutuloy sa FIBA 3X3 Olympic Qualifying Tournament sa Graz, Austria sa Mayo 26.

Idinagdag ni Coach Aldin Ayo ang beteranong si Mark Yee upang samahan ang mga nagbabalik na sina Chico Lanete, Mark Jayven Tallo, Zachary Huang at Dennis Santos. Apat lang sa lima ang makakalaro sa Lipik kaya may ilang araw pa pumili si Coach Ayo at kanyang staff.

Noong Mayo 13 lang nakasimula ng pormal na ensayo ang pambato ng Pilipinas sa Quezon Convention Center sa Lucena City. Nahirapan sila makahanap ng lugar sa gitna ng paghigpit ng quarantine sa NCR-Plus bubble kaya sumaklolo si Gov. Danilo Suarez at Quezon Sports Head Jonas Guiao at nakakuha ng basbas mula sa Games and Amusements Board (GAB).

Dahil sa kanilang mababang puntos sa FIBA 3X3 Rankings, ilalagay ang Manila Chooks TM sa qualifier at kailangan manalo upang makasama sa main tournament. Naghihintay sa kanila doon ang mga tulad ng Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia, Edmonton ng Canada, Humpolec Bernard ng Czech Republic, Antwerp ng Belgium at Split ng punong abala Croatia na halos iyon na rin ang kanilang mga pambansang koponan na nag-aasam mapablilang sa 2020 Tokyo Olympics kung saan kasama sa unang pagkakataon ang 3X3 sa mga opisyal na laro.

Buo ang mga koponan na Liman at Novi Sad ng Serbia, ang numero unong bansa sa 3X3 kaya nabigyan sila ng maagang tiket papuntang Tokyo. Ang iba pang lalaro sa Lipik Challenger ay ang Sansar Energy MMC ng Mongolia, Aomi ng Japan, San Juan ng Puerto Rico, Jelgava ng Latvia, NY Harlem ng Estados Unidos, Bielefeld TSVE at Dusseldorf LFDY ng Alemanya at isa pang koponan na hinihintay galing Russia.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page