top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

X'mas theme ng PRURide sa pagandahan ng bisikleta

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 18, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 18, 2020





Babalik ang PRURide PH sa 2021 subalit ito na ay magiging isang virtual challenge. Inaasahan na mula sa 3,000 noong 2019, aabot ng 10,000 o higit pa ang lalahok sa ika-apat na edisyon ng pinakamalaking Cycling festival sa Pilipinas.


Libre ang sumali matapos mag-download ng Pulse app mula sa Google Play o App Store at lumikha ng account. Maaaring pumili sa 30, 60, 500 o 1,000 kilometro na kailangan mabuo ito bago sumapit ang Enero 31, 2021.


Gamit ang relos o telepono na may GPS, sukatin ang binisikleta. Puwede ring gumamit ng stationary bike kung ayaw muna pumadyak sa kalsada. Gagawaran ang mga maagang magsusumite ng kanilang oras at distansya ng PRURide PH Cycling jersey at Rudy Project Bag. Tatanggap ang lahat na matagumpay na magtatapos ng e-certificate at raffle tiket kung saan pwedeng manalo ng bagong bisikleta, relos at marami pang iba.


Ang PRURide PH Virtual Challenge ay bukas sa lahat mula mga propesyonal hanggang sa mga baguhan. May mga inihanda rin na paligsahan para sa buong pamilya at ang isa rito ay ang pagandahan ng bisikleta na may dekorasyon na pang-Pasko.


Para sa PRURide Race Ambassadors na sina Kuya Kim Atienza, Gretchen Ho at Zoren Legaspi at pati na rin ang pro na si Ismael Grospe, gusto nilang sumali sa 500 kilometro. Ang 1,000 kilometro ang susubukan ng beteranong si Ronnel Hualda at ni Coach Ednalyn Hualda.


Ayon kay PRULife UK SVP at Chief Marketing Officer Allan Tumbaga, nasa plano pa rin nila na ibalik ang PRURide PH sa kalsada subalit pag-aaralan muna nila ang pangkalahatang kalagayan ng pampublikong kalusugan. Hinihintay din nila ang pahayag ng Inter-Agency Task Force kung kailan muli papayagan ang mga malakihang pagtitipon gaya ng karera ng bisikleta.


Ang PRURide ngayong taon ay orihinal na itinakda para sa Marso 11 hanggang 15 sa Clark, Pampanga. Tampok dapat ang tatlong araw na UCI 2.2 Stage Race para sa mga pro na susundan ng makapigil hiningang Criterium Race at ang Gran Fondo para sa lahat sa huling araw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page