top of page
Search
  • BULGAR

Work permits ng mga dayuhang manggagawa ng POGO, stop na

ni Ryan Sison @Boses | May 7, 2024



Boses - Ryan Sison


Hindi na mag-iisyu ng work permits para sa mga dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa mga kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).


Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) - National Capital Region office, simula noong May 2 ay itinigil na nila ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa alien employment permits (AEP) sa POGO workers.


Sa pahayag ni DOLE-NCR Director Sarah Mirasol, ang kanilang tatanggapin na lamang ay mga aplikasyon para sa regular internet gaming licenses, provisional internet gaming licenses o may notice of approval ng nasabing lisensyang inisyu ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at authorizations o notice of approval of authorizations for gaming content providers and support providers.


Tatanggap din ang DOLE ng accreditations o notice of approval of accreditation ng mga service providers gaya ng local gaming agents, special class ng BPO (business process outsource), training program providers, independent testing laboratories, probity checkers, at accredited hubs.


Sinabi pa ng DOLE official na ang mga lisensya, awtorisasyon at akreditasyon o kanilang notices of approval ay itsi-check din sa listahan ng PAGCOR.


Magugunitang may ilang grupo ang nagsusulong para sa pagsasara ng POGO sa bansa dahil sa kanilang epekto sa ating lipunan o social cost, kung saan naiuugnay sa mga kriminal na aktibidad kabilang na rito ang scam operations, human at sex trafficking, illegal immigration at employment, kidnapping at iba pang karumal-dumal na krimen. 


Binigyang-diin naman ni Mirasol na hindi tatanggapin ng DOLE-NCR ang mga kumpanya na nagsumite ng aplikasyon na may mga nasabing dokumento pero wala sa listahan ng PAGCOR.


Tama ang naging pasya ng pamahalaan na itigil na ang pag-iisyu ng work permits sa mga foreigner na nagtatrabaho sa POGO.


Marami na rin kasing mga naiuulat na illegal activities na mas malala pa kung minsan ay mga nasasangkot sa heinous crime at iba pang kriminalidad. 


Mas mainam siguro na unahin na lang ng kinauukulan na mabigyan ng trabaho ang ating mga kababayan at sanayin silang mabuti para makapasok sa POGO ng bansa.


Kumbaga, nakatulong na sila sa mga hirap na makahanap ng trabaho na mga kababayan habang patuloy naman ang operasyon ng POGO sa ‘Pinas.


Isipin sana natin palagi ang kapakanan ng mga manggagawang Pinoy kaysa paboran ang ibang workers abroad.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page