ni Anthony E. Servinio @Sports | January 3, 2024
Umikot ang gulong ng palad para sa Philippine Football sa nakalipas na 2023. Sa gitna ng malaking tagumpay na natamasa ng Women’s National Team, gumawa ng paraan at lumaban ang Azkals upang manatiling bahagi pa rin ng eksena.
Nagsilbing malaking balita ang pagtalaga muli kay Hans Michael Weiss na hawakan muli ang Azkals makalipas ang mahigit isang dekada. Sa gabay ng Aleman ay sumabak ang mga Pinoy sa mga FIFA Friendly kontra sa Nepal, Chinese-Taipei, Bahrain at Afghanistan.
Kahit halo-halo ang mga resulta, lininaw ni Coach Weiss na ang mga laro ay para sa kanilang pangunahing layunin ngayong taon na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup simula Nobyembre. Subalit kahit sa tahanan ng Rizal Memorial Stadium ginanap ang unang dalawang laro ay yumuko ang Azkals sa Vietnam, 2-0, at tumabla sa Indonesia, 1-1, kaya malaki ang kailangan nilang bunuin sa nalalabing laro sa 2024.
Nagwagi ng dobleng kampeonato ang Kaya FC Iloilo at nanaig sa unang pagkakataon sa Philippines Football League (PFL) at 2023 Copa Paulino Alcantara. Ito ay sa gitna ng suliranin ng pambansang liga bunga ng biglang pag-atras sa kompetisyon ng defending champion United City FC at Azkals Development Team.
Nakita ang laki ng agwat ng kalidad ng mga koponang Pinoy at walang naipanalo sa anim na laro ang Kaya sa 2023 AFC Champions League laban sa mga higante ng kontinente. Hindi rin pinalad ang Dynamic Herb Cebu FC at Stallion Laguna FC sa kasabay na 2023 AFC Cup.
Sa gitna ng mga kabiguan ay may dalang positibong enerhiya ang paghalal kay John Anthony Gutierrez bilang bagong Pangulo ng Philippine Football Federation (PFF). Ang kanyang administrasyon ay nangako na palalakasin ang pambansang koponan at kasama sa programa ang pagpapalaki sa PFL.
Comments