Women Booters, lalarga para magka-slot sa Olympics
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 10, 2023

Bago ang kanilang makasaysayang paglahok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand ngayong Hulyo, sisikapin ng Philippine Women’s Football National Team na makamit ang isa sa dalawang tiket ng Asya para sa 2024 Paris Olympics.
Nakatakdang ganapin ang opisyal na bunutan para sa Round 1 ng torneo ngayong Enero 12 (Huwebes) sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ayon sa patakaran, nasa Pot One ang Pilipinas kasama ang mga bigating Vietnam, Chinese-Taipei, Thailand, Myanmar, Uzbekistan at India kaya maiiwasan nila muna ang mga ito.
Maaaring makaharap ng Filipinas ang tig-isang bansa mula sa Pot Two (Iran, Jordan, Hong Kong, Indonesia, Nepal, Kyrgyzstan at Mongolia) at Pot Three (Palestine, Singapore, Turkmenistan, Bangladesh, Lebanon, Tajikistan at Timor Leste). Lima lang ang bansa sa Pot Four (Sri Lanka, Maldives, Pakistan, Bhutan at Afghanistan) kaya may posibilidad na mapunta ang mga Pinay sa grupo na tatlo lang ang maglalaro.

Gaganapin ang mga laro sa isang lugar bawat grupo mula Abril 3 hanggang 11, 2023.
Hindi pa nagpapahayag ang Philippine Football Federation (PFF) kung nais nilang maging host sa grupo ng Filipinas.
Samantala, magkakaroon ng puspusang paghanap ng talento ang PFF para sa mga Under-20 at Under-17 Filipinas. Pangunahin para sa kanila ang qualifier para sa hiwalay na 2024 AFC Women’s Asian Cup sa Marso at Abril.
Unang magtatayo ng kampo sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California sa Estados Unidos mula Enero 20 hanggang 22. Susundan ito ng magkasunod na tryout sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite (Enero 26), Tionko Field sa Davao (Enero 27) at Dynamic Herb Sports Complex sa Cebu (Enero 28).





Comments