WNBL 3X3 lalarga na muli
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 08, 2022

Magbabalik ang Women’s National Basketball League (WNBL) 3x3 ngayong Pebrero 26 sa Angelis Resort ng Muntinlupa City. Sampung ipinaghalong nagbabalik at baguhang koponan ang magtatagisin ng husay sa ikalawang yugto ng torneo para sa ultimong layunin na makapasok ang Pilipinas sa Paris 2024 Olympics.
Hinati ang 10 koponan sa dalawang grupo ng lima sa opisyal na bunutan noong Linggo ng gabi. Ang kampeon ng unang yugto Uratex Dream ang mangunguna sa Grupo A at walang pagbabago sa kanilang manlalaro na sina Alyssa Villamor, Kaye Pingol, Angel Anies at Tina Deacon.
Puro mga bagong koponan ang makakasama ng mga kampeon sa Grupo A subalit tinatampukan ang mga ito ng mga beterana ng WNBL 3x3 at WNBL. Ito ay ang Boost Basketball Science, We Got Next, Sureviewd at punong abala Angelis Resort.
Ang kanilang sister team na Uratex Tibay ay nasa Grupo B at magbabalik muli sina Samantha Harada, Ford Grajales, Eunique Chan at Kat Quimpo. Ang iba pang nabunot sa Grupo B ay mga nagbabalik na koponan JJD Basketball, Dreamers at ang dating Blue Fire Gasulista na makikilala bilang Rizal Huskies at ang bagong tatag na Teachshare.
Maglalaro ng single round sa loob ng kanilang grupo o tig-apat na laro ang bawat koponan.
Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa dalawang grupo ay tutuloy sa knockout crossover semifinals na susundan agad ng laban para sa kampeonato.
Matapos ang matagumpay na unang yugto noong nakaraang Disyembre 4 at 5 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga, biglang tumaas sa kasalukuyang ika-65 sa FIBA 3x3 Ranking ang Pilipinas mula sa dating ika-92. Nais ng WNBL 3x3 na makalikom pa ng puntos upang makapasok sa Top 10.
Sinakop na rin ng mga taga-WNBL 3x3 ang karamihan ng Top 50 na manlalarong Filipina.
Nangunguna rito ang apat na Uratex Dream na sina #3,385 sa buong mundo Villamor, #3,388 Pingol, #3,413 Anies at #3,491 Deacon subalit inaasahan na tataas ang mga ito sa pagtatapos ng torneo at maraming makakapasok sa Top 1,000.





Comments