Wish ng fans, makatayo na sa birthday… KRIS, UMOOKEY NA, PISNGI NAGKALAMAN
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | December 28, 2025

Photo: IG @gingmd
Matagal nang walang update si Kris Aquino. Hindi siya nagpo-post at ang last post niya ay noong November 17. Wala namang Instagram (IG) o Facebook (FB) si Bimby Aquino, kaya walang balita tungkol sa kanyang mom.
Mabuti na lang at nag-post si Dra. Ging Zamora ng photo sa pagbisita niya kay Kris, kaya kahit papaano ay nakita na siya ng mga nagmamahal sa kanya.
Sa photo na may caption na: “Give love, love, love on Christmas Day,” makikita si Kris na nakahiga sa bed, pero nakangiti. Katabi niya ang isa sa mga doktor na tumitingin sa kanya, at nandoon din si Bimby.
Pinansin ng mga fans ni Kris na maaliwalas ang mukha nito at nagkalaman ang pisngi. Natuwa ang mga nakakita sa larawan at ipinaabot nila ang pagbati ng Merry Christmas at Happy New Year.
Ipinaabot din nila na tuloy ang kanilang dasal para tuluyan na siyang gumaling.
Ang wish pa nga ng mga fans ay makapag-celebrate si Kris ng kanyang birthday sa February 14, 2026 kasama ang kanyang pamilya at close friends. Gusto nilang makita si Kris na nakatayo habang isine-celebrate ang kanyang birthday.
NAIMBITAHAN kami ni Pilar Mateo sa bagong bahay ni Atty. Vince Tañada sa may Balic-Balic, Sampaloc, Manila. Sana tama ang narinig namin na katas ng kinita ng pelikulang Katips ang ipinampatayo ni Vince sa maganda niyang three-storey house.
High ceiling ang living room at open ito, kaya makikita ang nangyayari sa first at second floor kahit nasa third floor ka.
Sa kuwentuhan, nabanggit ni Vince na tinalikuran na niya ang pagpo-produce at pagdidirek ng pelikula. Malaking disappointment sa kanya ang nangyari sa entry sana niyang Himala sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF).
Kaya ang sagot niya kapag natatanong tungkol sa pelikula, “Ayoko nang gumawa ng pelikula. Iniyakan ko ang nangyari sa Himala. Sobrang sakit ang ibinigay sa akin. Focused na lang ako sa stage.”
Busy naman si Vince sa stage at tuloy ang pagpo-produce niya sa pamamagitan ng PhilStagers Foundation. Sa katunayan, tuloy ang staging ng Bonifacio na nagsimula noong July 2025 at tatagal hanggang April 2027.
Itutuloy ni Vince ang Himala sa stage next year at surprise raw ang cast. Whole year din itong magtu-tour, kaya abangan na lang ang formal announcement ng project.
By now, napanood na siguro ni Atty. Vince Tañada ang top three movies na panonoorin daw niya sa 2025 MMFF. Top sa list niya ang I’mPerfect dahil naniniwala siya sa advocacy ni Sylvia Sanchez. Papanoorin din niya ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins (SRREO) at Call Me Mother (CMM), pati ang Bar Boys 2: After School (BB2AS) at iba pang entries.
SA media launch ng single niyang Kayong Dalawa Lang, na wedding gift niya kina Kiray Celis at Stephan Estopia, ibinahagi ni Love Kryzl na may new song siyang ilalabas before the year ends. Nag-record na siya ng awitin na may titulong Opo, Thank You Po!
Ayon sa PR na si Cesar Ian Vasquez, interesting malaman ang story behind the song na puno ng pasasalamat. Aabangan daw ang detalye, kabilang kung sino ang composer ng awitin.
Kasama ang kanyang pamilya at ang Purple Hearts Foundation, nagkaroon si Love Kryzl ng Year-End Gift-Giving Outreach sa mga karatig-barangay.
Tinawag na ‘Purple Hearts Foundation Gives Back’ ang gift-giving na ginanap sa Kryzl Farmland, kung saan 150 kabahayan ang nabigyan at nabiyayaan ng tulong, saya, at makabuluhang samahan.
Nanguna sa gift-giving si Love Kryzl at ang kanyang mga kapatid, na sumali rin sa mga palaro at salu-salo bilang pakikiisa at pasasalamat sa mga biyayang patuloy nilang natatanggap. May raffle pa na ikinatuwa ng lahat. Grocery packages at Purple Hearts Supplements ang ipinamigay.
Kasabay nito, ini-launch ni Love Kryzl ang kanyang new song na Opo, Thank You Po! at ang official music video nito sa kanyang Facebook (FB) page at YouTube (YT) channel. Available na rin ang kanta for streaming sa Spotify.








Comments