WILLIE, NAPIKON NA TINAWAG NA MAYABANG, CRISTY SINUMBATAN SA CONDO AT SASAKYAN
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | February 9, 2023

Tumalak to the max ang Wowowin host na si Willie Revillame sa kanyang programa nitong Martes tungkol sa mga taong natulungan daw niya pero in return ay bina-bash siya.
Inisa-isa niya ang mga kilalang personalidad kasama rin ang mga reporters na tinulungan niya noong kasagsagan ng COVID-19 lockdown.
Inalmahan din ni Willie ang Cristy Ferminute radio program ng kanyang ‘Inang’ na si ‘Nay Cristy Fermin dahil hindi naman pala niya napanood nang buo, nakinig lang siya sa mga nagparating sa kanya at nag-react na sa titulo na sinabing ‘mayabang’ siya.
Ayon kay Nanay Cristy, Martes pa lang nang gabi ay marami nang nagtatanong sa kanya pero hindi pa niya masagot kasi katwiran niya, gusto niyang mapanood muna ang Wowowin at ang nasulat sa isang showbiz website para klaro sa kanya.
“Pinanood ko po, may sinabi siya na isang reporter ng ABS-CBN na kumandidatong konsehal na tinulungan daw niya, may celebrity daw na binira siya, eh, itong celebrity na ito, eh, maka-Diyos pa ang datingan at nu’ng ikasal daw ang kapatid, eh, tumira pa yata ang mga magulang sa bahay niya.
“At meron daw isang tao na, ‘Binigyan ko pa nga ‘yan ng condo unit, eh, binigyan ko pa ng sasakyan, tapos tatawagin akong mayabang?’”
Kaya tinext daw niya si Willie para sabihing sana ay pinanood muna nito nang buo ang mga sinabi niya sa CFM.
“‘Yung terminong mayabang, sinabi ko ‘yun, pero iba pala ang interpretasyon mo. Kahapon, ipinagtanggol pa naman kita tungkol sa ABS-CBN. Bago ka magsalita, mag-isip ka muna!
Pero kung gusto mo ng giyera sa kabila ng pagmamalasakit ko sa ‘yo NAKAHANDA AKO!!!” deklara ni ‘Nay Cristy.
Tumawag daw sa kanya si Willie at nagpaliwanag sa mga nasabi nito.
Diretsahan din namang sinabi ni ‘Nay Cristy na ang pinakaayaw niya ay ‘yung tumutulong pero nanunumbat.
Nabanggit din ng TV host-columnist na wala palang kaalam-alam si Willie sa kalat na kalat nang balita na pagsasara ng AMBS o AllTV Network dahil walang kumakausap dito.
Tumatawag daw si Willie pero walang gustong makipag-usap sa kanya.
Kaya pinayuhan daw niya si Willie na dapat ay makipag-usap ito sa pamunuan ng AMBS at hindi nagwawala agad.
Kasunod nito ay inamin ni ‘Nay Cristy na siya ang pinatamaang binigyan daw ng condo unit sa Wil Tower at ng sasakyan. Nalaman tuloy na siya pala ang dahilan kaya napasok sa TV5 si Willie nu’ng taong 2013.
Sabi ni ‘Nay Cristy, “Ngayon, pinaplano ko, sinabi ko kay Revo (anak niya), pagkatapos ng pagkakataong ito, kukuha ako ng papeles, ibabalik ko kay Willie Revillame ‘yung pinaghirapan kong condo unit na ‘yan kahit may transaksiyon pa kami. Wala na ‘yung sasakyan, naibenta ko na, wala na, napalitan ko na!”
Sabi ulit ni Nanay Cristy, dapat kasi ay pinanood muna ni Willie ang mga sinabi niya bago pumutok agad-agad.
Tungkol naman sa usaping walang utang na loob ay ipinagdiinan din ni ‘Nay Cristy na pareho silang nagkatulungan at walang dapat tanawin ang isa’t isa.
“Anong utang na loob ang dapat kong tanawin sa ‘yo? Magbilangan tayo, Willie Revillame!
Masakit sabihin, masakit marinig na nagkatulungan tayong dalawa. Hindi ka dapat tumanaw ng utang na loob sa akin at wala rin akong dapat tanawing utang na loob sa ‘yo dahil kusang-loob kitang minahal bilang anak-anakan, kusang-loob kitang tinulungan at ikaw din naman, binigyan kita ng tiwala na hindi ko inaasahan. Nagkatulungan tayo, hindi tayo dapat magsumbatan.
“At ang mga reporters na tinulungan mo nu’ng pandemya, ako ang nag-ukilkil sa ‘yo na kailangan silang tulungan dahil mahirap ang buhay. Hindi mo dapat isumbat sa kanila ‘yun at sila ang mga working press na kapag nalalagay ka sa alanganin (ay) siya mo ring tinatakbuhan. Hindi ako papayag na ang aking hanay ay mamaliitin ng kahit sino. Kaya Willie Revillame, mag-isip ka muna!”
At bago natapos ang pag-uusap ng mag-ina ay tinanong ni Willie ang kanyang Inang, “Bago mo ibaba ang telepono, sabihin mo lang na mahal mo pa rin ako.”
Say ni Nanay Cristy, “Hindi na kailangang sabihin at ikaw ang nakakaalam na ako ang klase ng taong hindi nang-iiwan sa gitna ng laban. Iiwanan kita ngayon? Pilantod ka ngayon, kailangan mo ng saklay. Iiwanan kita ngayon, tuliro ang utak mo, kailangan mo ng kausap.
“Iiwanan ba kita sa gitna ng pangyayaring ito na hindi mo alam, magsasarado na pala ang pintuan ng kalangitan sa ‘yo, wala ka pang kaalam-alam? Paano nalaman ng iba? Hindi kita iiwanan sa gitna ng laban, alam mo ‘yan!
“Sabi mo nga kanina, ‘‘Nay, hiwalay ako sa asawa ko, ikaw lang ang katuwang ko. Ikaw lang ang dumamay sa akin. Nawalan ako ng trabaho sa ABS (CBN), ikaw lang din ang tumulong sa akin.
Ikaw sa lahat ng laban ko ang kasama ko.’
“Ang tao, Willie, na kasama mo sa lahat ng laban ay minamahal, inirerespeto, tinatanawan ng utang na loob.
“Hindi ako nagpapatanaw ng utang na loob sa ‘yo. Anuman ang ginawa ko sa sarili kong desisyon, anuman ang ibinigay kong tulong na sa puso ko nanggaling, hindi ko pinagsisihan.
Mahal kita bilang anak-anakan, hindi ko na kailangang sabihing mahal pa rin kita at ang sabi mong huli, ‘Mamaya sa Wowowin, magsasalita ako, hihingi ako ng tawad sa ‘yo.’ Aabangan ko ‘yan, Willie Revillame!”





Comments