WILLIE, NAG-RESIGN NA SA ALLTV
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | April 5, 2023

Nagbitiw na si Willie Revillame sa AllTV bilang host ng sariling programa na Wowowin at creative head ng nasabing network.
Ito ang ibinalita ni Nanay Cristy Fermin sa vlog nilang Showbiz Now Na kasama sina Romel Chika at Wendell Alvarez nitong Lunes nang gabi at sinundan ulit kahapon ng tanghali sa radio program nila ni Romel sa Cristy Ferminute sa 92.3 Radyo 5 TRUE FM.
Ayon kay 'Nay Cristy, "Ayon sa aming source na nakapagbalita sa amin, sumulat na po si Willie Revillame sa pamunuan ng AllTV ng AMBS 2 at nag-resign na po siya. Wala na siyang kinalaman sa istasyon."
Naniniwala si 'Nay Cristy na bayad na sa utang na loob si Willie sapagkat sinamahan naman niya ang pamilya Villar sa pagbuo ng AllTV.
"'Di ba, utang na loob ang sinasabi nating dahilan kung bakit lumipat mula sa GMA-7 si Willie Revillame papunta sa AllTV? Siguro naman po, 'yung pang-iiwan ni Willie sa kanyang Wowowin na talagang kumikita siya nang milyun-milyon at talagang punumpuno siya ng mga commercials, sikat na sikat para iwanan niya (GMA) at sumama siya sa pamilya Villar ay tinatanawan niya ng utang na loob, (ay) wala na tayong masasabi pa. Wala na siyang kailangang patunayan pa," ani 'Nay Cristy.
Sundot ni Romel Chika, "Oo, pinagbigyan niya ang hiling ng isang kaibigan (at) hindi nagtagumpay. So, ito na, kailangan mo nang bumaklas kasi malulunod ka na at mawawalan ka na ng kabuhayan."
Sabi pa ni 'Nay Cristy, "Oo, ang dami-daming naninisi kay Willie, 'Kasi umalis-alis ka pa sa GMA-7. Ang ganda-ganda ng estado mo d'yan! Isipin mo 'yung Wowowin, sikat na sikat ka, ang dami mong tagasuporta.
"Pero 'yun nga po, 'yung punto ni Willie na nu’ng panahon na walang nagtiwala sa akin kundi Villar lang. Pamilya Villar lang ang nagbigay ng house and lot sa Wowowee (ABS-CBN).
"So, bilang ganti po at tinatanawan niya ng utang na loob, nu’ng imbitahan siya ng pamilya Villar para buoin po itong AMBS 2, sumama siya. Iniwan niya 'yung napakagandang kapalaran niya sa GMA. Pero ito nga po ang pinakahuli, sumulat na po siya, pormal na siyang nagpaalam sa pamunuan ng AMBS 2, sa AllTV. Siya po ay nag-resign na."
Nauuso ang salitang rebranding at isa na ba si Willie rito?
"Si Willie, ang utak niyan, gumagana. Kung mawala man siya rito sa AllTV at kung totoong hindi na siya kabahagi ng network, ang daming paraan," saad ng batikang manunulat at host.
"Knowing Kuya Wil, sabi nga nila, parang pusa 'yan!" sabi rin ni Romel Chika at sinang-ayunan din ni Wendell.
Dagdag pa ni 'Nay Cristy, "May siyam na buhay! Nakailang buhay na ba siya? Dos (ABS-CBN), Singko (TV5), Siyete (GMA) at itong AMBS 2, apat (na). May lima pa, kaya niyang humanap ng paraan para siya ay makabalik. At saka, mga katsika, totoo 'to, ha! Para maging mas magaan po ang pagbangon natin mula sa isang maling desisyon ay dapat binibigyan po natin ang ating sarili talaga ng karapatan na magkamali paminsan-minsan."
May mga nabasa kaming reaksiyon mula sa mga netizens tulad ni @Lani Layton, "You can enjoy life and help other people, Kuya Willie without going to other studios or signing a contract. I think so, but if you think that's the best thing to help others, then do what makes you feel HAPPY."
Sinagot ito ni @Edwin Manansala, "@Lani Layton, NEED NG NETWORK PARA MAY REVENUE. SAYANG TALAGA."
Sumang-ayon naman si @Lani Layton, "@Edwin Manansala, korek din para may work other people and learn the hard way of earning money by working. Let just Kuya Willie make his decision."
May tanong ulit si @Edwin Manansala, "@Lani Layton, ura-uradang umalis, nandu'n na kontrata, 'di siya nag-renew. Sa NET25, tanggapin kaya?"
Ang opinyon naman ni @Ulysses Aurelio, "@Lani Layton, wala nang gana ibang studio dahil bagsak na si Kuya. Lumaki masyado ang ulo kaya binalikan siya ng karma. Lahat na, bumaligtad, puro palpak na ang kinahinatnan ng mga proyekto."
Sey naman ni @Melchor Gime, "Mag-vlog na lang. Nakakatulong naman ang mga vloggers, eh."
Katwiran naman ni @Romel Castro, "Mayaman na 'yan, kahit wala na sigurong show."
Payo ni @Zenaida Bello, "No one is perfect... lahat tayo ay mayroong pagkakamali na nagagawa.
To Kuya Willie, lesson learned lang 'yan. Well, if you want to go back with GMA, try to talk with them. There's nothing impossible, who knows? Maybe they will give you another chance to help others and try to be humble. Tanggalin mo 'yung yabang sa sarili mo."
Bukas ang BULGAR sa panig ni Willie Revillame.





Comments