WILLIE AT CRISTY, NAGKASIGAWAN AT NAGKAMURAHAN
ni Beth Gelena @Bulgary Files | February 10, 2023

Si Nanay Cristy Fermin pala ang tinutukoy ng controversial TV host na si Willie Revillame na nagsabing "mayabang" siya sa programa nito.
Agad namang sumagot ang batikang manunulat sa mga paratang ng Wowowin host.
Aniya, dapat daw ay pinanood munang mabuti ni Willie at tinapos ang video bago nagsalita sa TV against sa kanya.
Anak kung ituring ni Nanay Cristy si Willie kaya labis siyang nasaktan sa mga sinabi ni Kuya Wil.
Tinawagan ni Willie si 'Nay Cristy para ipaliwanag kung bakit siya nasaktan.
Sobra raw sumama ang loob ng TV host sa mga taong natulungan niya, pagkatapos ay ang mga ito pa ang unang babatikos sa kanya.
Sa kanyang programang Wowowin, inamin ni Willie na siya ang nagkamali dahil naniwala raw siya sa 'click bait'. May nagsabi lang daw sa kanya na tinawag siyang mayabang ni 'Nay Cristy, pero 'di niya napanood ang buong video kung saan ipinagtanggol naman pala siya ng kanyang nanay-nanayan.
Dagdag pa niya, nagkasigawan at nagkamurahan sila na parang tampuhang mag-ina talaga, ngunit kinalaunan ay nagkalinawan at nagkapatawaran naman.
At nang mahimasmasan, humingi siya ng dispensa kay 'Nay Cristy sa Wowowin. Dala lang daw 'yun ng sama ng loob. Maging sa pamilya ng batikang manunulat ay nag-sorry din si Kuya Wil.
Ani Willie, “Kay Tita Cristy, sa pamilya mo, sa mga anak mo, I’m really sorry na nasaktan ko kayo. Maraming salamat, ipinagtatanggol mo pala ako.”
Dagdag pa niya, "Kung anuman 'yung nasabi ko ho, eh, hindi naman 'yun pagsusumbat."
Pero, idiniin ni Willie na kay Nanay Cristy lang daw siya humihingi ng dispensa at hindi sa ibang tao o vloggers na bumatikos sa kanya.
Talagang sumama ang kanyang loob dahil of all people, hindi niya aakalaing ang mga taong natulungan pa raw niya ang unang babatikos sa kanya.
Sana raw ay inisip muna ng mga ito na nang lumapit sila sa kanya ay hindi siya nagdalawang-isip na bigyan sila ng tulong.
Tama naman ang sinabi ng TV host, dapat ay inisip din ng ilang natulungan ni Willie ang ginawa sa kanila ng TV host bago nila binanatan.
Naging malapit din kami kay Kuya Wil noon. Ang masasabi namin sa kanya, totoong may pagkamayabang siya sa pananalita, pero kung makikilala ninyo siyang mabuti in person, may mabuting kalooban ang TV host. At saksi kami sa kabaitan niya at pagiging matulungin sa kapwa.
Para sa amin, hindi panunumbat ang mga sinabi niya sa nagawan niya ng tulong. Ibig lang niyang ipaalala sa mga ito na nakatulong siya sa mga taong bumabatikos ngayon sa kanya.





Comments