Williams ng Hawks, pumalag vs. Giannis ng Bucks, 2-2 na
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 01, 2021

Kumuha ng inspirasyon ang Atlanta Hawks mula sa kanilang pilay na superstar Trae Young at mga maingay na tagahanga upang talunin ang bisitang Milwaukee Bucks, 110-88, sa Game Four Eastern Conference Finals ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa State Farm Arena. Kahit hindi naglaro, hinimok ni Young ang kanyang mga kakampi upang maitabla ang seryeng best of seven sa 2-2.
Itinalaga ni Coach Nate McMillan ang beteranong si Lou Williams upang palitan si Young sa first five at sinuklian ito ng dating NBA Sixth Man of the Year ng 21 puntos sa 35 minuto. Pumukol ng anim na tres si Bogdan Bogdanovic para sa 20 puntos habang tig-15 puntos sina Kevin Huerter at Clint Capela.
Maliban sa dalawang tabla sa first quarter, hawak ng Hawks ang buong laro at lumamang pa ng 25 pagkatapos ng tatlong quarter, 87-62. Malaking dagok sa Milwaukee ang masamang bagsak ni Giannis Antetokoumpo na may 7:14 nalalabi sa third quarter at lamang ang Atlanta, 62-52.
Mula roon hindi na pinalaro ang “Greek Freak” at nawalan ng hangin ang Bucks sabay todo banat ang Hawks. Susuriin ang tuhod ni Antetokounmpo bago ang mahalagang Game Five ngayong Biyernes sa Fiserv Forum.
Nagtapos si Antetokounmpo na may 14 puntos sa 24 minuto. Sinubukan nina Jrue Holiday at Khris Middleton na buhayin ang Milwaukee sa kanilang 19 at 16 puntos.
Babalik ang serye sa Atlanta para sa Game Six ngayong Linggo. Kung kailangan, ang Game Seven ay nakatakda para sa Martes sa Milwaukee.
Sa West Finals, nabitin ang Phoenix Suns sa Game Five at nakatutok na sila na tapusin ang seryeng best of seven kontra Los Angeles Clippers sa Game Six ngayong araw sa Staples Center simula 9:00 ng umaga. Gagawin ng Clippers ang lahat para maitabla ang serye sa 3-3 at magkaroon ng Game Seven sa Sabado sa Phoenix Suns Arena.





Comments