top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Welcome sa bagong 12 senador!

BULGAR
Jun 30, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 30, 2022


Ang Nineteenth Congress of the Philippines o ang ika-19 na Kongreso ng Pilipinas ay ang darating na mga pagpupulong ng pambansang lehislatura ng bansa na binubuo ng Senado at House of Representatives matapos ang nagdaang eleksyon para sa 2022.


Magsisimula ang 19th Congress sa Hulyo 25, 2022 at magtatapos naman sa Hunyo 4, 2025, kung saan kalahati sa mga miyembro na bumubuo ng Senado ay papalitan ang kalahati o 12 na mga bagong halal na Senador.


Kaya maalab na pagtanggap ang ating ipinagkakaloob sa mga inihalal na Senador na sina Robin Padilla, Loren Legarda, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero, Mark Villar, Allan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, JV Estrada Ejercito, Risa Hontiveros at ang matalik kong kaibigan na si Jinggoy Estrada.


Sa bagong halal na 12 Senador ay tatlo lang naman ang bago sa Senado at lahat ay mga naging Senador na rin naman kaya hindi na magkakaroon ng malalaking pagsasaayos o pagbabago at uusad na ang ikalabinsiyam na Kongreso.


Ang Kongreso ng Pilipinas ay ang bicameral legislature ng bansa na binubuo ng Senado o ang Upper House at ng House Representatives o ang Lower House, kaya lamang sa kolokyal na termino ang katagang Kongreso ay nakaugaliang itawag sa Mababang Kapulungan.


Ang Senado ay binubuo ng 24 Senador, kung saan 12 sa mga ito ay natatapos ang termino at pinapalitan tuwing ikatlong taon ng mga bagong halal na Senador na magsisilbi naman sa loob ng anim na taon.


Ang Senador ay ibinoto ng buong bansa at walang inirerepresentang kahit anong geographical district at ang pangunahin nilang tungkulin ay bumuo ng batas para sa ikauunlad at ikagagaan ng pamumuhay ng sambayanang Pilipino.


Kung may mga Senador man kayong nakikita sa mga lugar na biktima ng kalamidad, namamahagi ng tulong sa mga kababayan nating may kailangan ay hindi ito dikta ng mandato dahil kusang-loob itong ginagawa.


Maraming Senador na kahit abala sa pakikipagtalastasan sa mga isinumite nilang panukalang batas ay makikitang tumutugon pa rin ng personal sa pangangailangan ng ating mga kababayan bilang bahagi naman ng pasasalamat sa kanilang suporta.


Bago pumasok ang buwan ng Hunyo ay inihalal ng Senado si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri bilang ‘officer-in-charge’ na nagsimula kahapon, Hunyo 29 hanggang sa simula ng 19th Congress sa Hulyo.


Ang hakbanging ito ay isinagawa upang matiyak ang patuloy na pagtatalaga ng kapangyarihan at obligasyon ng liderato sa Senado hanggang sa pagbubukas ng bagong Kongreso.


Sa pinakahuling sesyon ng 18th Congress ay kinandili ng Senado ang resolusyon na naghahalal kay Zubiri bilang Senate President Pro Tempore na officer-in-charge post dahil ang termino ng outgoing Senate President Vicente Sotto III at Senate President Pro Tempore Ralph Recto ay matatapos ngayon, Hunyo 30.


Ibig sabihin ay handang-handa na ang 19th Congress at umasa tayong magtutulungan ang buong Senado na makabuo ng mga batas na makatutulong sa pagbangon ng bansa.


Tulad noong 18th Congress, maraming pagkakataong naging mainit ang mga balitaktakan sa pagbusisi sa mga panukalang batas para mapagbuti pa ang kahihinatnan nito bago makalusot sa pinal na pagbasa hanggang sa maging ganap na batas.


Ngunit sa huli ay nagkaisa ang mga Senador at hindi alintana kung kapanalig ng administrasyon o oposisyon para lamang maipasa ang mahahalagang batas, tulad ng Bayanihan to Recover as One Act at marami pang iba.


Ito ‘yung sinasabi nating saglit na isinasaisantabi ang personal na kapakanan at motibong pulitika kung sakaling muling dumating ang pagkakataon na kailangang magkaisa para mapabilis ang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan.


Tulad ngayong mabigat ang kinahaharap natin dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng gasolina at nakaambang krisis sa pagkain dulot ng giyera sa Russia at Ukraine, samantalang hindi pa tayo lubusang nakakaahon sa pandemya na labis na nakaapekto sa ekonomiya.


Kaya sa mga bagong Senador, congratulations, welcome sa Senado at sa mga datihan na ay maligayang pagbabalik, sama-sama tayo para sa ikauunlad ng bayan!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page