top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Wawakasan na ng Bucks o Hawks, hihirit ng game 7?

BULGAR
Jul 4, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 04, 2021




Malalaman sa oras mismo ng laro kung makakasama nina Giannis Antetokounmpo ng bisitang Milwaukee Bucks at Trae Young ng Atlanta Hawks ang kanilang mga kakampi sa napakahalagang Game Six ng Eastern Conference Finals sa 2021 NBA Playoffs ngayong araw mula sa State Farm Arena. Lamang ang Bucks sa seryeng best of seven, 3-2, at maaaring wakasan na nila ito subalit gagawin ng Hawks ang lahat upang magkaroon ng Game Seven sa Martes.

Ilang araw na nagtratrabaho ang staff ng mga koponan upang malapatan ng lunas ang mga pilay ng dalawang superstar. Sa gitna ng malaking suliranin na ito, naipakita ng Hawks at Bucks na kaya nilang magwagi.

Napilay ang bukong-bukong ni Young sa talo noong Game Three, 102-113, subalit bumawi ng malaki ang Hawks sa Game Four, 110-88, kung saan napilay naman ang tuhod ni Antetokounmpo. Inangat ng mga naiwang Bucks ang kanilang laro sa Game Five noong isang araw, 123-112, at umabante sa serye.

Maliban kay Young, masakit ang tuhod ni Bogdan Bogdanovic subalit pipilitin niyang maglaro matapos magsabog ng 28 puntos sa Game Five. Kung sakaling kailangan ng Game Seven, umaasa ang Milwaukee na handa na sumabak muli si Antetokounmpo.

Samantala, naghahanda na ang Western Conference champion Phoenix Suns para sa NBA Finals, ang pangatlo sa kasaysayan ng prangkisa matapos ang 1976 at 1993. Ganado si Chris Paul sa kanyang unang NBA Finals kasama ang mga batang kakamping sina Devin Booker at Deandre Ayton.

Matatandaan na hindi nakapasok ang Phoenix sa playoffs sa nakaraang 10 taon. Isang malaking dahilan sa natamasang tagumpay ng koponan ay ang kanilang General Manager na si James Jones na ginawaran kamakailan bilang 2021 NBA Executive of the Year.

Nagsimula ang lahat sa pagpirma niya kay Coach Monty Williams noong Mayo, 2019. Bago ang kasalukuyang torneo, nag-trade ang Suns sa Oklahoma City Thunder noong Nobyembre para kay Paul at sinundan ito sa pagkuha kay Jae Crowder na naglaro sa 2020 NBA Finals para sa natalong Miami Heat.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page