top of page
Search
  • BULGAR

Water Warriors at Glow, nagpakabog sa NBL/WNBL

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 19, 2021




Ipinatikim ng Taguig Generals ang unang talo ng La Union PAOwer, 96-85, sa tampok na laro ng Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 Linggo ng gabi mula sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga. Humugot ng lakas ang Generals sa mga bagong manlalarong sina Fidel Castro at Dan Anthony Natividad sa fourth quarter upang umakyat sa 4-2.

Bumuhos ng siyam ng kanyang 18 puntos si Castro kasama ang buslo na nagbigay ng 90-85 na lamang at 3:11 ang nalalabi at matanghal na Best Player. Gumawa ng pito ng kanyang 18 puntos si Natividad kasama ang dalawang pandiin na free throw sa 28 segundo.

Nasayang ang 33 puntos ni Erven Silverie para sa PAOwer na bumagsak sa 4-1 at pangalawang puwesto sa likod ng bagong numero unong Pampanga Delta (5-1).

Sa ibang mga laro, tinambakan ng Muntinlupa Water Warriors ang Mindoro Disiplinados, 107-80. Sinundan ito ng isa pang tambakan ng Laguna Pistons ang STAN District 4 Spartan, 107-71.

Bumida si Best Player Jed Mendoza para sa Water Warriors sa 27 puntos at apat na assist. Nagtala ng 21 puntos si King Fadriquela para sa Pistons subalit ang kakamping si Jeff Disquitado ang napiling Best Player sa bisa ng kanyang 10 puntos at 21 rebound.

Samantala, nagising sa second half ang Glutagence Glow Boosters upang pabagsakin ang Taguig Lady Generals, 65-59, sa pagpapatuloy ng Pia Cayetano Women’s National Basketball League (WNBL) 2021. Winakasan ng Glow Boosters ang kanilang dalawang magkasunod na talo salamat sa malaking ambag nina Best Player April Lualhati at Fille Cainglet.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page