Warriors, nanligpit, 76ERS nanambak, Curry, naka-37
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 18, 2021

Pumasa ang bisitang numero unong Golden State Warriors sa isang malaking pagsubok at iniligpit ang Brooklyn Nets, 117-99, sa NBA kahapon sa Barclays Center. Sa isa pang laro, pinutol ng Utah Jazz ang kanilang magkasunod na talo sa Vivint Arena at tinambakan ang bisitang Philadelphia 76ers, 120-85.
Bumuhos ng walong sunod-sunod na puntos ang Warriors upang maagaw ang lamang at wakasan ang first half, 63-58, sa bisa ng buslo ni Curry at dalawang three-points ni Andrew Wiggins. Todo ganado ang Golden State pagsapit ng third quarter at walang nakapigil sa kanilang pag-arangkada sa likod nina Curry, Draymond Green at Jordan Poole upang lalong lumayo, 98-76.
Hindi pa kuntento, pinasok ni Curry ang kanyang ika-siyam na tres at sinundan ng buslo ni Wiggins para sa kanilang pinakamalaking lamang, 113-85, at anim na minuto sa orasan. Sapat na iyon para ipahinga na si Curry at ginamit ito na pagkakataon ng Nets na tapyasan ang agwat subalit kapos ang panahon.
Nagtapos si Curry na may 37 puntos sa 29 minuto ng paglalaro. Sinuportahan siya nina Wiggins na may 19 puntos at Poole na may 17 puntos at bumawi ang Warriors mula sa talo nila noong isang araw sa Charlotte Hornets, 102-106.
Nanguna sa Nets si James Harden na may 24 puntos habang may 19 puntos si Kevin Durant. Ito ang unang laro ng Brooklyn sa kanilang tahanan matapos dumayo para sa kanilang huling anim na laban kung saan nanalo sila ng lima para sa pangkalahatang kartadang 10-5 at pangatlo sa Eastern Conference.





Comments