Warriors, matibay sa unahan, Fil-Ams Clarkson at Green, bigo
- BULGAR
- Nov 9, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 9, 2021

Pagkakataon ng Golden State Warriors na ipagdiwang ang Filipino Heritage Night at hindi sila nag-aksaya ng panahon sa pagwawagi laban sa bisitang Houston Rockets, 120-107, upang patibayin ang hawak nila sa liderato ng NBA kahapon sa Chase Center. Ito na ang ika-apat ng Warriors para sa no. 1 na kartadang 8-1 sa gabing tinampukan ng mayaman na kultura ng Pilipinas.
Umabot ang lamang ng 21 bago magwakas ang third quarter, 103-82, sa bisa ng tres ni Nemanja Bjelica. Nagpasya si Coach Steve Kerr na paupuin na si Stephen Curry sa 4th quarter bilang paghahanda sa pagbisita sa kanila ngayong araw ni Trae Young at Atlanta Hawks.
Nagtapos si Curry na may 20 puntos sa 27 minuto. Nagtala ng 25 puntos si Jordan Poole at 16 puntos si Andrew Wiggins na anak ng dating PBA import Mitchell Wiggins ng Ginebra.
Hindi naging maganda ang laro ni Fil-Am rookie Jalen Green at naka-9 puntos lang.
Nanguna sa Rockets sina Jae’Sean Tate na may 21 puntos.
Nagdiwang din ang New York Knicks ng Filipino Heritage Night subalit natalo sa Cleveland Cavaliers, 126-109, sa likod ng 37 puntos ni Ricky Rubio na minsan dumalaw sa Maynila noong 2015.
Limang sunod-sunod na ang tagumpay ng Brooklyn Nets at idinagdag ang Toronto Raptors sa listahan, 116-103, at sinayang ang pagbalik ni Pascal Siakam galing sa pilay na balikat. Kumuha muli ng lakas ang Nets kay Kevin Durant na may 31 puntos at James Harden na may 28. Hindi naman pinalad si kabayan Jordan Clarkson ng Utah Jazz at ipinatikim ng Orlando Magic ang ikalawang sunod na talo, 107-100. Nagpasikat si Cole Anthony na may 33 puntos.
Nakadalawang talo na ang World Champion Milwaukee Bucks kontra Washington Wizards, 101-94. Uminit si Bradley Beal para sa 30 puntos. Tinalo rin ng Oklahoma City Thunder ang San Antonio Spurs, 99-94. Nanguna sa atake ang reserbang si Mike Muscala na may 20 puntos at Shai Gilgeous-Alexander na may 14.





Comments