top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Warriors, mabangis, nandurog; Celtics, di pinaporma ang Bucks

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 14, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 14, 2021





Ipinamalas ng Golden State Warriors ang kanilang bangis sa 119-93 pagdurog sa bisitang Chicago Bulls kahapon sa Chase Center. Ang maagang tapatan ng mga numero uno ng Western at Eastern Conference ay napipisil na patikim para sa 2022 NBA Finals subalit hindi nangyari ang inasahang mahigpitang laban at hindi napigil ang mainit na kamay ni Stephen Curry na nagpaulan ng 40 puntos sa 34 minuto.


Nagtapos si Curry na may siyam na three-points at kumuha ng tulong kay Andrew Wiggins na may 15 at Jordan Poole na may 14 puntos. Umabot ng 27 ang lamang, 96-69, na may walong minuto pa sa orasan sa dunk ni Andre Iguodala galing sa pasa ni Curry.


Pumukol ng magkasunod na tres si Curry upang maabot ang 40 at pinaupo na siya ni Coach Steve Kerr sa huling apat na minuto at lamang, 107-84. Pito na ang magkasunod na panalo at umangat sa 11-1 ang Warriors at bumaba sa 8-4 ang Bulls upang maiwang mag-isa sa tuktok ng East ang 8-3 Washington Wizards.


Patuloy ang suliranin ni Fil-Am rookie Jalen Green at 10 magkasunod na ang talo ng kanyang Houston Rockets matapos magwagi ang bisitang Portland Trail Blazers, 104-92.


Pumukol ng apat na tres ang kabantayan ni Green na si Damian Lillard para pangunahan ang Blazers sa kanyang 20 puntos.


Kinailangan ng Boston Celtics ang overtime upang masugpo ang World Champion Milwaukee Bucks, 122-113. Ipinasok ni Dennis Schroder ang walo ng kanyang 38 puntos sa overtime at hindi nakayanan ng Bucks ang sabay na pagliban nina Giannis Antetokounmpo, Khris Middleton at Brook Lopez.


Sa ibang mga laro, ang Brooklyn Nets ang naging unang koponan sa Eastern Conference na nakamit ang ika-siyam na panalo matapos padapain ang kulelat sa NBA na New Orleans Pelicans, 120-112, sa likod ng 39 puntos at 12 assist ni James Harden. Inagaw ang bola at pumuntos na may 1.2 segundo sa orasan si Lu Dortz upang itulak ang Oklahoma City Thunder sa 105-103 pagtakas sa Sacramento Kings.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page