top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Warriors, Grizzlies, Nets at Hawks, namulbos

BULGAR
Apr 25, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 25, 2021




Hanggang nandiyan si Stephen Curry ay huwag maliitin ang Golden State Warriors at ibinaon nila ang Denver Nuggets, 118-97, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Chase Center. Pumuntos si Curry kung kailan talagang kailangan sa second half upang manatiling buhay ang pag-asang makasama ang Warriors sa playoffs ngayong Mayo.

Pitong puntos lang si Curry sa first half subalit uminit bigla para magtapos na may 32 puntos at pumantay ang kanilang kartada sa 30-30. Malaki ang tulong nina Kelly Oubre Jr, na may 23 puntos at Andrew Wiggins na may 19 puntos.

Lalong humigpit ang karera sa Western Conference at ginulat ng bisitang Memphis Grizzlies ang Portland Trail Blazers, 130-128. Binuhat ang Grizzllies ni Ja Morant na may 33 puntos at 13 assist habang dumagdag ng 25 puntos si Dillon Brooks.

May bago nang numero uno sa Eastern Conference matapos kumapit ng husto ang Brooklyn Nets sa huling limang segundo upang mapigil ang hirit ng Boston Celtics, 109-104, salamat sa mga paniguradong free throw nina Blake Griffin at Kyrie Irving. Namuno sa panalo si Joe Harris na may 20 puntos at sinundan ni Jeff Green na may 19 upang umakyat ang Nets sa 40-20, kalahating laro ang lamang sa 39-20 Philadelphia 76ers.

Ipinakita ng Atlanta Hawks ang lalim ng kanilang koponan at tinalo ang Miami Heat, 118-103, salamat sa malakas na fourth quarter. Nanguna si Bogdan Bogdanovic na pumukol ng limang tres para sa 21 puntos at John Collins na may 20 puntos sa gitna ng pagliban nina Trae Young (bukong-bukong) at Clint Capela (likod).

Matapos mabigo ang Celtics at Heat ay nagawang lumapit sa kanila ang humahabol na Charlotte Hornets at pinatid ang Cleveland Cavaliers, 108-102. Nagsumite ng tig-25 puntos sina Terry Rozier, PJ Washington at Miles Bridges subalit matimbang ang 11 ni Rozier sa fourth quarter. Nagising sa fourth quarter ang Los Angeles Clippers upang maiwasan mapahiya sa kulelat na Houston Rockets, 109-104. Bumida si Paul George sa kanyang 33 puntos at 14 rebound at sinundan ni Reggie Jackson na may 19 puntos.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page