War Cannon, bumida sa Marho 3-Yo Colt & Filly
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 24, 2021
Nagpasiklab si War Cannon matapos nitong sikwatin ang korona sa MARHO Breeders' 3-Year-Old Colt and Filly Mile na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, noong Linggo ng hapon.
Kalmadong lumabas ng aparato si War Cannon, hinayaan lang nitong maunahan siya ng mga katunggali kaya naman nasa hulihan siya sa limang kabayong nagtatagisan ng bilis.
Sinakyan ni class A rider Kelvin Abobo, nagmasid muna ang top favorite at anak nina Brigand at Ivanavinalot na si War Cannon sa bandang likuran kung saan ay dinadala ni Gusto Mucho ang bandera.
Kumuha ng 3rd place si War Cannon bago sumapit ng far turn at pagdating ng huling kurbada ay nakakapit na ang winning horse kay Gusto Mucho.
Nakaungos si War Cannon sa bandang 80 metro ng karera, nasa tabing balya, nagwagi ito ng kalahating kabayo sa nasegundong si Gusto Mucho."Impresibo 'yung ipinakitang performance ni War Cannon, pang stakes race ang takbo," saad ni Dominador Trinidad, karerista.
Inirehistro ni War Cannon ang tiyempong 1:38.2 sa 1,600 meter race upang sikwatin ang P600,000 na premyo habang napunta sa 2nd placer na si Gusto Mucho ang P225,000.
Pangatlo si Stand By Me habang 4th si Namayan na nagbulsa ng tig-P125,000 at P50,000 ayon sa pagkakasunod. Samantala, hindi rin nagpadaig si Arrabiata, ipinakita rin nito ang husay nang manalo sa 2021 PHILRACOM "Cong. Jeci Lapuz Memorial Stakes Race na pinatakbo sa pang-pitong karera.
Dahil sa panalo ni Arrabiata na sinakyan ni IL Aguila, napitas ng may-ari na si Mary Ann Tansengco ang P300,000 na premyo habang second placer si Robin Hood na nirendahan ni Jessie B. Guce. Nakopo ni Robin Hood ang P112,500 habang kinubra nina Money Changer at Safe In The West ang consolation prizes na P62,500 at P25,000 para sa 3rd at 4th ayon sa pagkakasunod.
Ang nasabing stakes races ay suportado ng PHILRACOM.





Comments