top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Wanted: Maginoo, marespeto, malinis at may takot sa diyos na pulis, ‘yan ang kailangan ng lipunan

BULGAR
Jun 30, 2021
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | June 30, 2021


Pabor tayo sa desisyon ng PNP na isailalim sa serye ng psychiatric-psychological exam ang lahat ng parak.


Klap-klap-klap!


◘◘◘


DAPAT nating maunawaan na ang mga pulis ay ordinaryong tao rin.

Nakararanas din sila ng mabibigat na problemang personal at pampamilya.

Siyempre, may pagkakataong nabuburyong din sila at tinotopak.


‘Yun nga lang, kapag “matindi ang amats”, hindi sila dapat nakalulusot sa hayrarkiya ng Pambansang Pulisya!


◘◘◘


INAMIN ni PNP Chief Guillermo Eleazar na pinaplantsa na ng Health Service ng PNP ang pagsasagawa ng Psychiatric-Psychological Exam (PPE) sa lahat ng mga pulis.


Bunsod ito ng pag-aamok ni Police Executive Master Sergeant Reynante Dipasupil sa loob mismo ng MPD Headquarters!


◘◘◘


WALANG habas na nagpaputok si Dipasupil bandang alas-11:00 ng gabi noong Biyernes kung saan tinamaan niya si Police Staff Sergeant Reynaldo Cordova at napatay si PMSG Romeo Cantal.


Agad rumesponde ang SWAT na ikinamatay ni Dipasupil.


“Sinasaluduhan natin ang mga pulis na pumigil sa pag-aamok nitong si Dipasupil, partikular si PMSG Romeo Cantal na nagbuwis ng kanyang buhay. We grieve with the family of Sgts. Dipasupil and Cantal and we assure them of our assistance, along with another policeman who was wounded during that attack,” wika ni Eleazar.


◘◘◘


SANA’Y agad masala at masuri ang kondisyon ng isip at emosyon ng mga pulis lalo pa’t patuloy ang recruitment upang maparami pa ang alagad ng batas.


Sa totoo lang, tulad ng anti-COVID test, dapat nang maging regular ang psycho-test sa mga pulis at hindi lamang sa panahon ng recruitment process!


◘◘◘


DAPAT ding magkaroon ng background check o regular na pagsisiyasat sa kanilang mga aktibidad.


Sa totoo lang, dapat sibakin sa Pambansang Pulisya ang mga miyembro nito na nagmamantina ng higit sa isang asawa o higit sa isang pamilya!


◘◘◘


HINDI lang saykolohikal, bagkus ay dapat mas maayos na moralidad ang mga pulis upang maging epektibo ang kanilang panunungkulan.


Kung bawal ang obese sa mga pulis, dapat ding ibawal dito ang maging immoral dahil nagbubunsod ito ng dispalinghadong saykolohikal na kondisyon!


◘◘◘


DAPAT tutok lang sa serbisyo ang mga pulisya at umiwas sa mga extra-curricular na aktibidad tulad ng sobrang pag-inom ng alak, pagsusugal, pambabae at higit sa lahat paninigarilyo at pagkaadik sa droga.


Dapat maging modelo ang mga pulis, imbes na magmistulang hoodlum sa lipunan!


◘◘◘


ISANG malaking hamon kay Heneral Eleazar na ipasok sa internal cleansing ang pagkakaroon ng maginoo at kagalang-galang na pulis sa ating paligid.


Maginoo, marespeto, malinis at may takot sa Diyos na pulis — ‘yan ang kailangan ng lipunan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page